780 total views
Homiliya Para sa Kapistahan ng Sagradong Puso ni Hesus, Ika-24 ng Hunyo, 2022, Luk 15:3-7
Sa tuwing tinitingnan ko ang larawan ng Sagradong Puso ni Hesus, ang pumapasok sa isip ko ay isang linya mula sa ating Pambansang Awit, ang LUPANG HINIRANG. Palagay ko ito ang dahilan kung bakit ipinapatong pa natin ang ating kanang kamay sa dibdib, para siguro mas maramdaman natin ang kinakanta natin: ALAB NG PUSO SA DIBDIB MO’Y BUHAY.
Ang kakaibang imahen na ito ni Hesus ay may pusong hindi nakatago kundi nakalantad upang ating mapagmasdan. May nakapulupot na tinik, may sugat na nagdurugo sa tagiliran, ngunit napapalibutan ng maningning na liwanag. Nagliliyab ito, at sa ibabaw ng apoy ay may kahoy na panggatong, na hugis krus. Ito ang ating mga tipikal na larawan ng Sagradong Puso ni Hesus.
Siyempre hindi naman ito literal. Wala namang taong may ganitong nakalantad na puso. Ito’y isang pangungusap na matalinghaga tungkol sa pag-ibig ng Diyos na nahayag sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus ng Nazareth na ating nakilala bilang Anak ng Diyos at ating Manunubos.
Kaya siguro kapag umaawit tayo ng Lupang Hinirang, kinakapa natin ang ating dibdib. Para bang ito ang gustong itanong sa atin ng Panginoon sa araw na ito: MAY ALAB PA BA ANG IYONG PUSO? Mahalagang tanong sa bawat taong nabubuhay dito sa mundo.
Hindi kasi lahat ng puso ay may alab. At kahit meron, hindi rin habang panahon na ang alab ng puso sa dibdib natin ay buhay. Paano mo malalaman?
Kapag tulad ng Pastol, hindi ka susuko sa paghahanap sa isang nawawalang tupa, kahit mayroon pang 99 na natitira sa iyo. Sa kuwento ng Bibliya, dumaraing daw ang bayang Israel sa pagkaalipin nang unang marinig ni Moises ang tawag ng Diyos. Nagpapastol siya. Palagay ko hinahanap niya ang isang nawawalang tupa kaya napadpad siya sa bundok ng Panginoon at nakita niya ang isang punongkahoy na nagliliyab. Hindi niya alam na ang nakatagpo niya ay ang Sagradong Puso ng Diyos na nag-aalab sa malasakit para sa kanyang bayan. Narinig daw niya ang ganito:
“Nakita ko ang pagdurusa ng aking bayan. Ramdam ko ang kanilang pinagdadaanan at alam kong sila’y hirap na hirap. Kaya ako bumaba upang iligtas sila.” Pangungusap ito ng Diyos na Pastol na hindi mapakali dahil sa malasakit niya para sa kanyang kawan. Ito rin ang narinig natin sa unang pagbasa. Ayon kay propetang Ezekiel, ito ang pahayag ng Diyos:
“Hahanapin ko ang mga nawawala, ibabalik ko ang naliligaw ang landas, kakalingain ko ang mga sugatan, hihilumin ko ang mga maysakit…”
Parang ganito rin ang mensahe ng Diyos nang unang kausapin siya ni Moises na pilit tumatakas sa nararamdaman niyang sakit kapag nakikita niyang nasasaktan ang mga aliping Hebreo. Para bang sinasabi ng Diyos, “Moises, kapain mo ang puso mo. May alab ka bang nararamdaman? Iyan ang nararamdaman ko para sa aking bayan, at hindi ako mapapayapa hangga’t hindi ko sila napapalaya sa pagkaalipin.
Alam mong ang Diyos ay nasa loob mo kapag may nararamdaman kang sigasig para sa isang dakilang layunin, kapag naghahangad ka ng kabuluhan sa buhay, kapag naghahanap ka ng pag-aalayan ng buo mong pagkatao. Alam mong nag-aalab sa loob mo ang pag-ibig ng Diyos kapag malakas ang loob mo para sa adhikain para sa tama, mabuti at totoo. Kapag pursigido ka, kahit parang imposible, kapag buo ang loob mo kahit sa gitna ng mga pagsubok, kapag tulad ng Diyos, natututunan mong umibig nang wagas, tapat at walang kundisyon.
Ang maalab na puso ng Diyos na nagparamdam kay Moises sa anyo ng punongkahoy na nagliliyab ang siya ring nakita ng mga unang alagad kay Hesus, lalo na nang siya’y ipinako sa isang punongkahoy, sugatan at nagdurugo ngunit nagniningning. Sabi nga ni San Pablo sa ating pangalawang pagbasa, “Pinatunayan ni Kristo ang pag-ibig niya sa atin nang, kahit pa tayo’y nagkasala ibinuwis pa rin niya ang buhay niya para sa atin.”
Ang mungkahi kong idalangin natin kapag tayo’y nakatitig sa Sagradong Puso ni Kristo ay ito:
Panginoon, pag-alabin mo po po sa aming mga puso ang pag-ibig mo para sa amin. Ikaw na namatay nang dahil sa amin upang palayain kami sa kasalanan, tinawag mo kami upang matagpuan din namin ang aming ligaya, upang kami rin ay maging kaisa mo, laang mabuhay at mamatay nang dahil sa minamahal.