389 total views
Inanyayahan ng opisyal ng Vatican ang mananampalataya na makiisa sa Pope’s Day Mass sa June 29.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown, mahalaga ang pagtitipon ngayong taon upang ipanalangin ang Kanyang Kabanalan Francisco.
Sinabi ng Papal Nuncio na bilang pagdiriwang sa Pope’s Day ay sama-sama ang mananampalataya na ipanalangin ang kalakasan ni Pope Francis na kasalukuyang may karamdaman dahil sa pananakit ng tuhod.
“This Pope’s Day Mass will be an opportunity to pray for Pope Francis in a special way for his strength and health,”pahayag ni Archbishop Brown sa panayam ng Radio Veritas.
Pangungunahan ni Archbishop Brown ang Pope’s Day Mass sa Manila Cathedral ganap na alas sais ng hapon kasama si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Taunang ipinagdiriwang ang Pope’s Day tuwing June 29 kasabay ng kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo na kilalang haligi ng simbahang katolika kung saan ipinagkatiwala ni Hesus ang pangangalaga sa kanyang kawan.
Inanunsyo ng pamunuan ng Manila Cathedral ang pagkakaroon ng public veneration sa relics nina Popes, Saints John XXIII, Paul VI at John Pau II kasabay ng pagdiriwang sa Pope’s Day.
Mamahagi rin ng mga stampita o prayer card na may larawan ng tatlong santo ang Manila Cathedral para sa mananampalatayang makiisa sa pagdiriwang.