294 total views
Nagpapasalamat sa pamunuan ng NASSA/Caritas Philippines si Father Edwin Gariguez, Social Action Director ng Apostolic Vicariate ng Calapan, sa natanggap na pagkilala mula sa social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Binigyan ng Social Action Network Recognition Award si Fr. Gariguez dahil sa hindi matatawarang paglilingkod bilang dating executive secretary ng Caritas Philippines sa loob ng higit 10 taon.
“Thanks to my successor in NASSA/Caritas PH, Fr. Tony Labiao and our current National Director, Bishop Colin Bagaforo and our Social Action Network for the Recognition Award!,” ayon kay Fr. Gariguez mula sa kanyang Facebook page.
Taong 2013 nang ipatupad ni Fr. Gariguez ang pinakamalawak na humanitarian response ng Caritas Philippines kung saan naabot nito ang pinakamahihirap na pamayanan na higit na nangangailangan ng tulong.
Itinatag din ng pari noong 2016 ang social action transformational leadership center na kalauna’y naging Caritas Philippines Academy na institusyon para sa Philippine Catholic Church Development and Humanitarian Program.
Samantala, noong 2018 naman ay ibinahagi ni Fr. Gariguez ang kanyang pangako upang palakasin ang ugnayan ng social arm ng simbahan sa pamamagitan ng pagtataguyod at pagtatanggol sa karapatan ng kalikasan.
Kaugnay nito, taong 2019 nang mas hinimok nito ang CBCP na kilalanin ang nangyayaring “global climate emergency”, na humantong sa pagpapatibay ng liham pastoral ng kapulangan ng mga Obispo hinggil sa panawagan ng pagbabalik-loob para sa inang kalikasan.
Habang nitong 2020, ibinahagi at binuhay naman ni Fr. Gariguez ang kultura ng pagbabayanihan sa pamamagitan ng Caritas Kindness Station bilang bahagi ng pagtugon ng simbahan sa umiiral na pandemya.
Iginawad ang pagkilala kay Fr. Gariguez sa ginanap na 40th National Social Action General Assembly ng Caritas Philippines sa General Santos City noong Hunyo 15, 2022.