267 total views
Mga Kapanalig, si President-elect Ferdinand “Bong-bong” Marcos, Jr. mismo ang uupong kalihim ng Department of Agriculture (o DA) sa pagpasok ng kanyang administrasyon.
Hindi ito ang unang pagkakataong pangulo mismo ng bansa ang magiging kalihim ng isang kagawaran. Si Carlos P. Garcia ay naging secretary ng Department of Finance, si Ferdinand Marcos, Sr. sa Department of National Defense, si Gloria Macapagal-Arroyo sa Department of Foreign Affairs at National Defense din, at si Joseph “Erap” Estrada at Bengino “Noynoy” Aquino III sa Department of the Interior and Local Government. Gayunman, marami ang nagulat sa inanunsyong ito ni President-elect Marcos, Jr.
Mahalaga ang papel ng kalihim ng isang kagawaran. Sa DA, susi ang posisyong hahawakan ni President-elect Marcos, Jr. upang maihaon sa kahirapan ang maraming magsasaka, mangingisda, at maging mga negosyanteng umaasa sa agrikultura. Ang mga magsasaka at mangingisda ay ang pinakamahihirap na sektor sa bansa. Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2018, 31.6 ang poverty incidence o porsiyento ng mga mahihirap na magsasaka. Samantala, 26.2 naman ang poverty incidence ng mga mangingisda. Nakalulungkot ito dahil sila pa naman ang nagbabanat ng buto upang may pagkain tayong maihain sa ating mga mesa.
Hindi raw lingid sa kaalaman ni President-elect Marcos, Jr. ang mga suliraning kinakaharap ng sektor ng agrikultura. Nariyan ang nagbabadyang kakulangan ng pagkain o food shortage, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkain, at pagkatalo ng mga magsasaka at mangingisda sa mga imported na produktong agrikultural. Apektado rin sila ng mataas na presyo ng petrolyo. Ang mga ito raw ang dahilan kung bakit importanteng ang presidente mismo ang mamuno sa DA.
Magkakaiba ang naging pagtanggap ng mga grupo mula sa sektor ng agrikultura sa pagiging kalihim ng DA ni President-elect Marcos, Jr. May mga grupong katulad ng Samahang Industriya ng Agrikultura (o SINAG) na itinuturing itong mabuting balita. Mabibigyang-pansin daw ng pinakamataas na lider ng bansa ang mga hamong kinakaharap ng sektor. May mga samahan namang katulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (o KMP) na nagsasabing hindi akma si President-elect Marcos, Jr. sa posisyon. Wala raw siyang karanasan o kaalaman sa agrikultura. Dagdag pa ng KMP, wala man lang daw panukalang batas na may kaugnayan sa agrikultura si President-elect Marcos, Jr. noong kongresista pa siya.
Ipinaaalala sa atin ng mga panlipunang turo ng Simbahang ang pangunahing pundasyon ng pulitika at pamamahala ay ang pagtataguyod sa dignidad ng tao. Naniniwala ang Simbahang umiiral ang pulitika at mga istruktura ng pamamahala upang palaguin at paunlarin ang bawat miyembro ng lipunan, mabigyan ng pagkakataon para sa pakikilahok ang lahat, at makamit ang kabutihang panlahat o common good.
Dahil rito, kailangang masigurong ang bawat posisyon sa pamahalaan ay hinahawakan ng mga taong may kakayahan, kaalaman, at tunay na paninindigang itaguyod ang dignidad ng sektor na kanilang paglilingkuran. Matagal nang nagdurusa sa kahirapan ang mga kababayan nating magsasaka at mangingisda, kaya maituturing na mabigat na hamon para sa sinumang magiging kalihim ng DA na mapaunlad ang sektor. Hindi lamang ito tungkol sa pagpapabango ng pangalan o pagsusulong ng mga pansariling interes. Ang kapangyarihang taglay ng mga nasa pamahalaan ay nagmumula sa taumbayan. Ito ay kapangyarihang nakaugat sa layuning isulong ang interes ng lahat, lalo na ng mga naisasantabi katulad ng mga magsasaka at mangingisda.
Mga Kapanalig, tulad ng panawagan ng Filipos 2:3: “Huwag ninyong gawin ang anuman dahil sa pansariling hangarin o dahil sa kayabangan. Sa halip, magpakumbaba kayo at ituring ang iba na mas mahalaga kaysa inyong sarili.” Hangad nating gawing tunay na prayoridad ni incoming agriculture secretary President-elect Marcos, Jr. ang buhay at kaunlaran ng mga naghihirap sa sektor ng agrikultura.