432 total views
Ikinabahala ng Alyansa Tigil Mina (ATM) na wala pa ring itinalagang Environment secretary ang pangulong Ferdinand Marcos Jr. gayong ang kalikasan na nahaharap sa climate crisis ang dapat na bigyang prayoridad.
Ayon sa grupo, noong pangangampanya ni President Marcos, Jr. ay nakitaan ito ng kakulangan sa plataporma at programa sa pagtugon sa mga usaping pangkalikasan at klima.
“Having the environment and climate portfolios as a blind or weak spot in the new administration is unacceptable,” ayon sa ATM.
Para tugunan ang climate crisis, iminungkahi ng A-T-M sa pangulo na magtalaga ng kalihim sa Department of Environment and Natural Resources na tunay na makakalikasan at walang anumang ugnayan sa malalaking kumpanya na lumalabag sa mga panuntunan ng ahensya.
Inirekomenda din ng grupo ang pagkakaroon ng environmental summit o dayalogo kasama ang mga apektadong komunidad, mga makakalikasang grupo, at iba pang ahensya ng pamahalaan upang mapag-usapan ang mga layunin at programa ng administrasyon para sa kalikasan lalo na sa pagmimina.
“Convene a multi-stakeholder dialogue to tackle current mining issues, to involve the DENR-MGB, the mining industry and mine-affected communities and their support groups. Main concerns should cover assessment of EO 130 or the Mining Policy of the Duterte Administration, reviewing the ban on open-pit mining and the suspension of illegal mining operations,” mungkahi ng grupo.
Iminungkahi din ng A-T-M kay Pangulong Marcos Jr. na lumikha ng “Green Agenda” na hiwalay at naiiba sa pangkaraniwang unang 100-araw na agenda na nakatutok sa ekonomiya at lipunan.
Hinimok rin ng grupo ang pangulo na hikayatin ang mga mambabatas na pagtibayin ang Green Bills o mga kaukulang batas para sa karapatan ng kalikasan.
Hinihiling naman ng grupo sa Marcos Jr administration na tiyakin ang bansa ay magiging ligtas para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.
Nakasaad sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco na mahalagang maging mapagmatyag ang komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan.