607 total views
Hinikayat ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mga bagong luklok ng opisyal ng Pilipinas na tularan si Hesus na mabuting pastol sa pangangalaga sa sangkatauhan.
Iginiit ng obispo na si Hesus ang bukod tanging huwaran ng pagiging mabuting lider na taglay ang mga katangiang nararapat sa pamumuno ng kawan.
Tinuran ni Bishop Uy ang sipi ni San Aloysius Gonzaga na sinasabing mas mabuting maging anak ng Diyos kaysa maging hari ng mundo na dapat isaisip ng mga pinuno ng bayan.
“My dear brothers and sisters, I pray that all our newly elected public officials will remember that saying of St. Aloysius until the end of their term, if not until their last breath,” bahagi ng pahayag ni Bishop Uy.
Tinukoy ng opisyal ang katangian ng mabuting pastol na handang mag-alay ng sariling buhay para sa kabutihan ng nakararami.
Bukod sa kahandaan ng pag-aalay ng sarili sa bayan ay dapat ding taglayin ng mga opisyal ng bayan ang integridad sa kanilang pamumuno at katapatan sa sinumpaang tungkulin.
“Their commitments as shepherds is total, it cannot be half baked or else they will lose their sheep; ready to sacrifice putting the needs of another ahead of ours it means to be selfless to set aside personal interest,” dagdag pa ni Bishop Uy.
Umaasa si Bishop Uy na tunay ang hangarin ng mga nailuklok na lider lalo na sa pagresolba sa usapin ng korapsyon na malaking hadlang sa pag-unlad ng bayan.
“Integrity, meant a sincere advocacy to curve graft and corruption and to begin a new culture of honest and transparent governance,” giit ng obispo.
Hamon ni Bishop Uy sa mga lider ng bayan na gawing prayoridad ang higit na pangangailangan ng mamamayan sa pagpatupad ng mga programang makabubuti sa pamayanan.
Samantala pormal nang nanumpa si President Ferdinand Marcos Jr. bilang ika – 17 pangulo ng Republika ng Pilipinas kasabay ng pagsimula ng paninilbihan ng halos 19-libong opisyal sa pambansa at lokal na posisyon sa bansa.