517 total views
Ikinalulugod ni Bayombong, Nueva Vizcaya Bishop Jose Elmer Mangalinao ang pagkakaisa ng mga alkalde ng Metro Manila sa panawagang itigil na ang quarrying agreements sa Masungi Georeserve at Upper Marikina Watershed sa Rizal.
Ang nasabing protected landscapes ay bahagi ng Sierra Madre Mountain Range na nagmumula sa lalawigan ng Cagayan at nagtatapos sa Quezon.
Ayon kay Bishop Mangalinao, dating vice chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Permanent Committee on Public Affairs, patunay lamang ito na tinutupad ng mga alkalde ang kanilang tungkulin at pangako na pangalagaan ang kanilang kinasasakupan kasabay ng pagpapahalaga sa kalikasan.
“Nagpapasalamat ako sa mga lider-pamahalaan na gumagawa ng lahat ng paraan para sa kalikasan. Ito ay sigurado na ang pangangalaga sa kalikasan ay pangangalaga sa buhay ng tao,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Kabilang sa mga lumagda sa panawagan ay sina Marikina City Mayor Marcy Teodoro, Muntilupa City Mayor Jaime Fresnedi, Pasig City Mayor Vico Sotto, at Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Sinabi ni Bishop Mangalinao na marahil napagtanto ng mga nabanggit na opisyal ng lokal na pamahalaan na lubhang maaapektuhan ang Metro Manila kapag nagpatuloy pa ang operasyon ng quarrying sa kabundukan.
Tinukoy ng Obispo ang pananalasa ng Bagyong Ondoy sa kalakhang Maynila noong 2009 kung saan naganap ang malawakang pagbaha sanhi ng labis na pag-uulan at pagbaba ng tubig mula sa mga kabundukan.
“Ang pagpapatigil sa ilegal na proyekto ay nangangahulugang magkakaroon ng kasiguruhan ng kawalan ng pagbaha sa mabababaw na bahagi ng Metro Manila; at nakita nila na ang lahat ng tubig na bumaba mula sa bundok ay napakaputik. Ibig sabihin nito talagang nawawalan na ng maraming puno sa kabundukan at higit sa lahat ay nasisira ang kapaligiran,” ayon kay Bishop Mangalinao.
Hiling at paalala naman ng Obispo sa mga opisyal ng pamahalaan na gamitin nang wasto ang kanilang mga kapangyarihan upang pangalagaan ang inang kalikasan.
Ito’y sa halip na pahintulutan ang mga ilegal at mapaminsalang gawain na nagpapalala lamang lalo sa kahirapan ng mamamayan at unti-unting pagkaubos ng likas na yaman.
“Sila (local officials) mismo gamitin nila ang kanilang kapangyarihan para susugan ang batas na patigilin ito. I welcome the move and I hope they will succeed,” giit ni Bishop Mangalinao.