348 total views
Ang mga vloggers ay ilang beses naging headline grabber sa ating bansa. Mula sa buwis, sa fake news, sa kampanya, at ngayon para sa accreditation, laman na lagi sila ng mga balita.
Ang pagiging vlogger ay mahirap na trabaho kapanalig. Taliwas sa iniisip ng iba, ang paglalabas ng de kalidad at regular na content para sa iba’t ibang audience ay mahirap gawin. Mahirap pa lalo ay maka-capture ng napakaraming mga manonood, na siyang mabilis na nagawa ng marami nating kababayang vloggers. Sila ay “in” sa panahon natin ngayon.
Napakaraming vloggers sa ating bansa, kapanalig. Ang sinasabing nasa top ten ngayon sa ating bansa base sa dami ng subscribers ay binubo ng mga artistang vloggers at mga gamers. Kung youtube channels naman ang usapan, kasama rin sa nangunguna naman ang mga news organization gaya ng ABS-CBN at GMA. Tinatayang may mga 1,750 youtube channels ng mga Filipino ang may mahigit pa sa 100,000 subscribers.
Ano ba ang vloggers, kapanalig? Ang vlog ay nagmula sa pinagdikit na mga salita na video at log. Tinutukoy nito ang mga uri ng content na nasa video format na naka-upload sa mga social media sites gaya ng youtube. Ang vlogger ay ang mga tao na lumilikha nito. Maraming ang mga parokyano ng mga youtube vloggers sa ating bayan. Tinatayang umaabot sa 45 million ang adult viewers ng mga youtube channels sa Pilipinas. Ang ating bansa ang may pinaka-mataas na bilang ng mga vlog watchers at influencer followers.
Sa dami nito, kapanalig, hindi kataka-taka na naging weapon of choice na rin ang vloggers sa pulitika. Naging propaganda machine na rin ang ibang vlog sites nitong nakaraang eleksyon. Ngayong papasok na ang bagong administrasyon, sinusuri na rin nga kung maaari silang bigyan ng accreditation para sa mga briefings sa Malacanang.
Ang popularidad ng mga vloggers sa ating panahon ay kahanga-hanga, kapanalig. Kung hustle lamang ang pag-uusapan, huwaran sila dito. Kakaibang sipag ang kailangan upang makapag-isip ng content at maglabas ng content, ngunit nagagawa nila ito. Ngunit kapanalig, ang content, niche, at specialization ng mga vloggers ay iba-iba, at hindi naman lahat ng vloggers ay eksperto sa mga tema na kanilang tinatalakay. Kaya nga’t lagi silang may disclaimer, hindi ba, kung lalabas na sila sa mga temang di na sakop ng kanilang karera, karanasan, at pinag-aralan. Kung ihahambing natin sa reporter at media ang gawain ng vlogger, magkaibang-magka-iba iyon. Iba ang training nila, iba ang kasanayan, iba rin ang misyon.
Isang mahalagang niche o larangan kung saan maaaring ma-maximize natin ang reach ng mga vloggers ay ang dissemination information ukol sa fake news. Kapanalig, kung ating i-ta-tap ang mga sikat na vloggers ng bayan upang puksain ang fake news, mabilis ang ating magiging tagumpay dito. Magagawa kaya natin ito?
Alam niyo kapanalig, si Pope Francis, nakipag-pulong sa mga piling youtubers noong 2016, at sa meeting na ito, sinabi niya ang ang mga vloggers ay maaaring lumikha ng “path of optimism and hope.” Noong 2018 naman, kinondena niya ang fake news at inudyukan tayong lahat, lalo ang mga journalists, na magpatuloy sa paghahanap ng katotohanan. Tularan sana natin ang halimbawa ni Pope Francis, mga kapanalig. Nakikita niya ang ganda ng ginagawa ng mga vloggers, ngunit hindi niya nalilimutan ang importansya ng katotohanan.
Sumainyo ang Katotohanan.