568 total views
Muling hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mananampalataya na ipanalangin ang nalalapit na plenary assembly ng kalipunan ng mga obispo na magsisimula sa July 4, araw ng Lunes.
Ayon kay CBCP president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kabilang sa tatalakayin ng obispo ay ang pagtatatag ng Personal Prelature for Filipino Migrants.
Paliwanag ng obispo, ito ay tila isang maliit na diyosesis na nakatuon sa pangangailangan ng mga Filipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo lalo na sa kanilang spiritual welfare.
“Kasi ang objective naman talaga natin ay yung ma-address natin mabuti yung pastoral needs ng ating mga OFW’s na nagkalat sa buong daigdig. To make sure na walang mga Filipino or catholic communities na nani-neglect ang spiritual welfare abroad,” ayon kay Bishop David sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radio Veritas.
Dagdag ba ng obispo, ito ay kinailangan ng endorso at pagtatag ng Vatican mula sa binalangkas na programa na sinang-ayunan ng kalipunan ng mga obispo.
“I think, it will take a lot of our time, kasi kailangan ng endorsohin ito ng Vatican kasi ang magtatag nito hindi kami kundi ang Holy see with the approval of the local conference of bishops.
Ayon pa kay Bishop David, “Tingin naming kulang na kulang. Marami pang kailangan, masyadong nao-overstretch ang ECMI (Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples’). At the end of the day kailangan mo talaga ng full time na obispo, full time na pari, layko at mga relihiyoso na tutulong dito.”
Isa rin sa tatalakayin ay ang kasalukuyang kalagayan ng kristiyanong pananampalataya sa bansa-ayon sa ginawang pag-aaral ng University of Santo Tomas.
Kabilang din sa pinagbasehan ng talakayan ang ginanap na synod sa mga parokya at ang mga ulat ng obispo na nagsusuri sa kalagayan ng mga katoliko sa bansa.
Tatalakayin din ng mga obispo kung kinakailangan ng magkaroong ng 3rd plenary council upang lumikha ng mga programa bilang tugon sa naging resulta ng synodal consultations.
“Kasi consultations lang ‘yan walang resolutions. How will you put them into action? Paano mo iimplement ang mga bagay na lumabas dun sa konsultasyon kung hindi tayo uupo seriously para magpastoral planning on a wider level,” ayon kay Bishop David.
Ang plenary council o 2nd Plenary Council of the Philippines (PCPII) ay huling ginanap noong 1991.
Sinabi pa ng obispo na sa halip na nakagawiang retreat ng mga obispo, gaganapin ang unang bahagi ng pagtitipon bilang National Synodal Assembly sa July 4 hangggang July 7 kung saan kabilang sa mga dadalo ang mga layko at relihiyoso para sa paglalagom ng mga tinalakay sa mga parokya sa buong bansa.
Magsisimula naman ang ikalawang bahagi ng plenary assembly sa July 8 kasama ang permanent council at regional meetings.
Habang sa July 9 hanggang July 11 isasagawa ang plenary assembly proper na susundan ng Bishops Religious Conference ng July 12.