497 total views
Nananawagan ang opisyal ng simbahan sa pamahalaan ang muling pamamahagi ng fuel subsidy at excise tax suspension dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito ang iminungkahi ni Fr. Jerome Secillano ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Permanent Committee on Public Affairs bilang tugon sa mataas na presyo ng krudo na dahilan din sa pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.
Isa sa itinuturong dahilan ng oil price hike ay ang patuloy na digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia na nagsimula noong Pebrero.
“Ipagdasal natin at asahang matapos na ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine dahil ito din ang isa sa malaking dahilan ng krisis sa pandaigdigang supply at presyo ng langis,” bahagi ng mensahe ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Hinikaya’t naman ng pari ang mga ‘commuter’ na unawain din ang kalagayan ng transport sector kung saan pinayagan na ng pamahalaan na magtaas ng karagdagang dalawang piso o P11.00 mula sa dating P9 bilang minimum fare sa mga jeep sa buong bansa ayon sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).
“Asahan na natin na maraming maaapektuhan sa pagtaas ng presyo ng langis, kasama na diyan ang commuters dala na rin ng ipapatupad na minimum na presyo ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan, masalimuot ang usapin ng presyo ng langis dahil wala sa gobyerno ang kapangyarihang pababain ito,” ayon pa sa mensahe ng Pari.
Iminungkahi naman ng pari sa mga simbahan na tulungan ang kanilang mga kawani na maibsan ang pasakit na dulot ng pagtaas ng presyo ng pamasahe sa pamamagitan ng pagbibigay ng ‘transport allowance’ sa mga empleyado.
Sa susunod na linggo, inaasahan ang muling paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo.