387 total views
Kinondena ng 25-pari ng Diyosesis ng Calbayog ang mga naganap na kaguluhan, kalituhan at bilihan ng boto noong nakalipas na halalan partikular na sa Western Samar.
Sa pamamagitan ng isang pahayag ay nagkaisa ang 25-pari ng diyosesis na ibahagi ang kanilang mga naranasan at nasaksihan na mga iregularidad noong nakalipas na 2022 National and Local Elections noong ika-9 ng Mayo, 2022.
Ayon sa nakakaisang pahayag ng 25-pari ng diyosesis, bahagi ng kanilang prophetic mission bilang mga lingkod ng Simbahan ang manindigan laban sa mga maling nagaganap sa lipunan upang magsilbing gabay ng bawat mamamayan at maging ng mga bagong halal na opisyal ng bayan sa pamamahala sa bansa.
“As the newly-elected officials of our national and local government are about to begin their term of office, we as individual priests would like to make a statement regarding our experiences, observations and reflections on the May 9, 2022 national and local elections. We do this as a part of our prophetic mission as ordained priest of the Diocese of Calbayog. As pastors and formators of our parishioners, we have the duty to teach not only the revealed truths of our faith and the proper worship of God, but also the moral values that should characterize our Christian communities,” bahagi ng pahayag ng 25-pari ng Diyosesis ng Calbayog.
Tinukoy ng mga pari ang talamak na vote-buying, pananakot at pagbabanta sa mga botante, at pagkawala sa listahan ng mga botante dahilan upang marami ang hindi makaboto.
Iginiit ng mga Pari ng Diyosesis ng Calbayog na hindi katanggap-tanggap ang pagsasawalang bahala at pambabalewala sa kasagraduhan ng halalan na isang mahalagang aspekto sa isang demokratikong bansa.
Partikular namang nanawagan sa Commission on Elections (COMELEC) ang mga pari ng diyosesis upang agad na gumawa ng hakbang para masolusyunan at mawakasan na ang iba’t ibang maling kaugalian tuwing sasapit ang halalan sa bansa.
“We call on the proper authorities, especially the COMELEC, to address this illegal and immoral practice and to use all its powers provided by the law to minimize if not put an end to it. There should be stricter implementation of the law as to prevent the rampant vote-buying in future elections. Utmost secrecy and confidentiality should be maintained in the casting of votes in ballots in all precincts, including those in far-flung barangays,” dagdag pa ng 25-pari ng Diyosesis ng Calbayog.
Hinikayat din ng mga Pari ang bawat isa na higit na maging makabayan sa pamamagitan ng ganap na pagiging matapat at mapagbantay sa mga nagaganap sa lipunan gayundin ang tuwinang pananalangin para sa katapatan sa tungkulin ng bawat opisyal ng bayan.