459 total views
Natanggap ng Radio Veritas sa pamamagitan ng Katok Tahanan program ang Recognition Award mula sa Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute dahil sa pagiging media partner upang itaguyod ang pagkakaroon ng malusog na bansa.
Iginawad ang pagkilala sa kapanalig na himpilan sa ginanap na Anniversary Gala ng DOST-FNRI bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-75 anibersaryo ng ahensya.
Ayon kay Ms. Chichi Fajardo-Robles, host ng Katok Tahanan, isang karangalan ang makatanggap ng parangal mula sa ahensya ng pamahalaan na ang layunin ay makatulong sa pagbabahagi ng mga kaalaman at impormasyon upang maibsan ang lumalalang malnutrisyon sa mga bata.
“Hanggang mayroong Katok Tahanan, mayroon pong pakikipagtulungan sa pagitan ninyo, ng FNRI, at Radio Veritas. I’m very happy and very grateful to be given a chance to be the bridge between a very significant agencies such as FNRI and our station Radio Veritas,” pahayag ni Fajardo-Robles sa panayam ng Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman si Dr. Milflor Gonzales, chair ng DOST-FNRI Nutrition Research Information Network (NUTRINET) sa pagiging daan ng kapanalig na himpilan lalo na sa Katok Tahanan para mas mapalapit sa mamamayan ang kahalagahan ng nutrisyon upang makamtan ang malusog na lipunan.
Mapapakinggan tuwing unang Martes ng buwan sa Katok Tahanan ang “Pagkain, Nutrisyon, atbp.” segment ng DOST-FNRI upang magbahagi ng mga kaalaman hinggil sa mga masustansyang pagkain.
“Ang ating ibinibigay every first Tuesday of the month ay tungkol sa nutrisyon at alam naman natin na napakaimportante nitong malaman ng mga nasa bahay kung ano ang tamang nutrisyon para maalagaan natin ang kalusugan ng mga bata at napakalaki ng naging role ng DZRV at Katok Tahanan dito,” ayon kay Gonzales.
Dumalo sa pagtitipon si dating Science and Technology Secretary Fortunato dela Peña at ang dating director ng FNRI na si Dr. Rodolfo Florentino.
Ang FNRI ang principal research arm ng pamahalaan sa food and nutrition, at isa rin sa research and development institute ng DOST.
Sa loob ng 75-taon, patuloy ang institusyon sa pagbibigay ng naaangkop na teknolohiya at impormasyon hinggil sa pagkain at nutrisyon na ibinabahagi sa mga tahanan at pamayanan na layong mapabuti ang buhay ng bawat Filipino.