355 total views
Tiniyak ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang pakikibahagi sa Commission on Elections (COMELEC) sa pagpapalaganap ng impormasyon kaugnay sa muling pagbubukas ng voter’s registration.
Ayon kay PPCRV Board of Trustee Dr. Arwin Serrano, director ng Voters Education and Volunteer Mobilization, makakaasa ang COMELEC sa kanilang aktibong pakikibahagi para sa panawagang magparehistro ang mga hindi pa botante para sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ipinaliwanag ni Serrano na mahalagang makibahagi ang bawat mamamayan partikular ang mga kabataan sa paghahanda sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa ika-5 ng Disyembre ng kasalukuyang taon.
“Magsisimula na din yung voter’s registration campaign so kapag nangyari yan magiging aktibong partner rin kami ng COMELEC with regards to that voter’s registration campaign from July 4 to July 23, maikli lang yan kasi kung related ito for Barangay and SK Elections kaya pinaghahandaan na rin namin yan,” pahayag ni Serrano sa panayam sa Radio Veritas.
Muling binuksan ng COMELEC ang voter’s registration mula ika-4 hanggang ika-23 ng Hulyo, 2022 kung saan inaanyayahan ang lahat ng mga hindi pa nakarehistro na magpatala upang maging isang ganap na botante.
Nananawagan ang PPCRV sa mga kabataang nasa wastong edad na sa nakatakdang eleksyon na magparehistro upang magamit ang kapangyarihan na makaboto.
Unang binigyang diin ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng mga opisyal ng barangay na may direktang ugnayan sa mamamayan.