288 total views
Mga Kapanalig, kayo ba ay may utang?
Talaga namang napakabigat sa loob ang humiram ng pera sa iba. Inilalarawan nga sa Mga Kawikaan 22:7 ang umuutang na para bang alipin ng kanilang pinagkakautangan. Sa hirap ng buhay ngayon, marami sa atin ang napipilitang umutang para lang maitawid ang isang araw. Sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at mababang suweldo, ang paghiram ng pera, kahit man nakakahiya, ay nagiging paraan upang makaraos ang marami nating kababayan.
Ganito rin ang ginagawa ng ating pamahalaan, lalo na nitong tinamaan tayo ng pandemya. Umalis sa puwesto si Pangulong Duterte nang may halos 13 trilyong pisong utang ang bansa. Sa halagang ito, 70% ay mga domestic borrowings habang 30% ay utang mula sa ibang bansa at external creditors. Ang malaking halaga ng ating utang-panlabas ay dahil na rin sa mahinang piso, kaya bago magsaya ang mga kababayan nating napapadalhan ng dolyar mula sa mga kaanak nilang nagtatrabaho sa ibang bansa, isipin sana nating ang palitan ng piso at dolyar ay may malaking epekto sa utang ng Pilipinas.
Nakababahala ang pagkabaón natin sa utang dahil mangangahulugan ito ng pagdadagdag ng buwis o paglalaan ng malaking bahagi ng kaban ng bayan upang bayaran ang utang ng bansa. Nangyayari ito dahil na rin sa Automatic Appropriations Law na isinabatas noong diktadurya ni Ferdinand Marcos, Sr., ang tatay ng kasalukuyang presidente. Sa ilalim ng batas na ito, automatic na naglalaan ang gobyerno sa budget nito taun-taon ng halaga upang ipambayad sa utang. At siyempre, kinukuha ito sa buwis na nakukulekta mula sa mga Pilipino.
Para naman sa mga utang-panlabas natin, may mga grupong nananawagan sa mayayamang bansa na kanselahin ang anila’y illegitimate debts. Binabatikos ng Freedom from Debt Coaliton at Asian People’s Movement on Debt and Development ang mga mayayamang bansa, partikular ang tinatawag na Group of Seven o G7, dahil sa halip na tulungan ang maliliit na bansang tugunan ang tunay na pangangailangan ng mga mamamayan nila, ibinabaon nila ang mga gobyerno nito sa utang. Ang mas nakababahala pa, ang mga proyektong pinopondohan ng mga utang na ito ay nakapipinsala sa kalikasan, nagtataboy sa mga komunidad, at sumisira sa mga kabuhayan ng mga tao. Kung tutuusin, ang malalaking bansa pa nga ang may utang sa mga maliliit na bansang katulad ng Pilipinas. Ang kaunlarang tinatamasa nila ngayon ay bunga ng pagsira nila sa kalikasan na sanhi ng climate change; ang climate change naman ang nagdadala sa atin ng matinding tag-init at malalakas na bagyong nakaaapekto sa atin, lalo na sa mga mahihirap.
Ngunit ang utang-panlabas ng Pilipinas, sabi nga sa isang pahayag ng CBCP noong 1990, ay produkto, hindi lamang ng mga pandaigdigang mekanismong labas sa ating kontrol, kundi ng mga desisyon at hakbang na ginagawa ng mga nasa pamahalaan. Ang panawagang kanselahin ng mayayamang bansa ang ating utang sa kanila ay may kaakibat na pagtatayâ mula sa atin. Tanong nga noon ng CBCP, paano tayo makikipagnegosasyon sa mga nagpapautang sa atin kung hindi naman natin kayang tuldukan ang korapsyon at pagnanakaw sa pondo ng bayan? Paano pangungunahan ng ating gobyerno ang pakikipag-usap sa ibang bansa kung bulag ito sa katiwalian at kung hindi nito hinahabol ang mga nagnakaw?
Mga Kapanalig, ang utang na iniwan ng administrasyong Duterte ay tiyak na matutulad sa utang na iniwan ng diktaduryang Marcos. Babayaran ang mga ito ng buwis ng kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino at ng mga susunod pa sa atin. Hindi sasapat ang pagkakaisa o unity upang maiahon ang isang bayang baón sa utang. Ipagdasal natin ang kasalukuyang administrasyon sa pagharap nito sa pinakamalaking hamon nito.