398 total views
Ikinadismaya ng National Association of Electricity Consumer for Reform (NASECORE) ang pagkatig ng Korte Suprema na itaas ang singil sa kuryente sa National Capital Region (NCR) at karatig lalawigan.
Ayon kay Pete Ilagan – Pangulo ng NASECORE, karagdagang pasakit sa mamamayan sa N-C-R ang taas singil sa kuryente sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng hindi mapigilang pagtaas sa halaga ng mga produktong petrolyo.
“Nakakalungkot talaga dahilan sa bigo tayo sa ating inaasahan na maitaguyod ang public interest, nakakalungkot na lumabas ang Supreme Court decision na ito sa kalagitnaan ng panahon na kung saan tumaas ang ating power rates, fuel prices, at ibang commodities, malaking karagdagang at kabigatan sa mga ordinaryong consumers, Nakakaawa,” ayon sa mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Ilagan.
Iginiit ni Ilagan na hindi napapanahon ang pagpapatibay ng Korte Suprema sa desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC).
“We will meet with our volunteer lawyers to discuss preparation & filing of our Motion for Reconsideration,” ayon pa sa mensahe ni Ilagan.
2013 ng isulong ng Manila Electric Company (MERALCO) at maaprubahan ng ERC ang layuning masingil sa mga konsyumer ang 22.64-bilyong pisong generation costs sa pamamagitan ng dahan-dahang pagtataas ng presyo sa buwanang singil sa kuryente.
Ang sisingiling halaga ay bunsod ng mga naganap na pagtigil sa operasyon ng mga planta ng enerhiya na pinagkukuhaan ng suplay ng MERALCO noong 2013.
Unang hinamon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na tugunan ang mga suliranin kinakaharap ng Pilipinas katulad ng patuloy na pag-taas na presyo ng mga produktong petrolyo.