1,235 total views
Mga Kapanalig, hindi madali ang pagkakaroon at pagtataguyod ng pamilya. Maituturing ngang mabigat na trabaho ang magpalaki kahit ng isang anak. Mula sa pagdidisiplina, pagpapaaral, at pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan at komportableng buhay sa kanila, kailangan ang pasensyang hindi nauubos at pagmamahal na nag-uumapaw. Ang parenting o pagiging magulang ay hindi napag-aaralan o natutunan sa paaralan. Hindi katulad ng mga tipikal na trabaho, bihira o halos walang dinaraanang pagsasanay ang mga magulang bago sila maging ganap na mga tatay o nanay.
Malaking responsibilidad ang pagiging magulang, ngunit para sa mga walang katuwang sa buhay, nagiging doble o triple ang hamon sa kanila ng pagpapalaki at pagtataguyod sa kanilang mga anak. Sila ang mga tinatawag na solo parents o mga magulang na mag-isang tumatayo bilang pangunahing tagapangalaga ng mga bata. Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng Department of Health (o DOH) at University of the Philippines, may tinatayang 14 hanggang 15 milyong solo parents sa Pilipinas. Karamihan o 95% sa kanila ay mga babae o nanay.
Kaya naman, magandang balita ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act. Layon nitong bigyan ng dagdag na mga karapatan at suporta ang mga magulang na mag-isang itinataguyod ang kanilang anak o mga anak. Kabilang sa mga benepisyong matatanggap ng isang solo parent ay sanlibong pisong tulong pinansiyal kada buwan (kung siya ay minimum wage earner), at pitong araw na parental leave na dagdag sa mga leaves na itinatakda ng batas. Maaari ding makatanggap ng scholarship ang magulang at anak niyang edad 22 pababa. Makakukuha rin ang isang solo parent na kumikita ng mas mababa sa ₱250,000 sa isang taon ng 10% discount sa mga gamot, gatas ng sanggol, diapers, at bakuna kung may anak na anim na taóng gulang pababa.
Sa ensiklikal na Amoris Laetitia, kinilala ni Pope Francis ang hamong hinaharap ng mga solo parents nang sabihin niyang dapat silang nakatatanggap ng panghihikayat at suporta mula sa komunidad. Aniya, kadalasang nagtitiis ang mga solo parents sa kahirapan, kawalan ng trabaho, kakulangan ng kakayahang suportahan ang kanilang mga anak, at kawalan ng maayos na tirahan. Kaya naman, inanyayahan niya ang Simbahang magbigay ng pang-unawa at pagtanggap sa sitwasyon ng mga single parents sa halip na magpataw ng mga patakarang nagdudulot lang ng pakiramdam na sila ay hinuhusgahan at inaabandona ng mismong institusyong dapat kumakalinga sa kanila.
Maliban sa Simbahan, tungkulin din siyempre ng pamahalaaang alalayan ang mga mamamayang nasa dehadong kalagayan, katulad ng mga solo parents. ‘Ika nga, “it takes a village to raise a child.” Mabuting balita para sa mga single parents ang mga benepisyo at pribilehiyong matatanggap nila mula sa Solo Parents Welfare Act, ngunit hindi matatapos sa pagsasabatas nito ang pagsuporta sa kanila. Kailangang siguruhing maipatutupad nang maayos ang mga probisyon nito upang tunay na matulungan ang mga solo parents at matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Mga Kapanalig, gaya ng pangako ng Panginoon sa sulat ni Jeremias 29:11 para sa mga taga-Jerusalem, sinabi Niya, “[tutuparin ko ang mga plano kong] para sa kabutihan ninyo, hindi sa kasamaan ninyo, at plano para bigyan kayo ng pag-asang magkaroon kayo ng mabuting kinabukasan.” Ang ating mga lingkod-bayan sa pamahalaan at tayong mga bumubuo ng SImbahan ay may misyon ding isakatuparan ang pangakong ito ng Diyos dito sa lupa, kung saan mayroong hustisya at kaginhawaang natatamo ang mga tao.