907 total views
Mga Kapanalig, karaniwan nang makakita tayo ng mga tao sa lansangan na, dahil sa kanilang marungis na itsura, ay sinasabi nating may problema sa pag-iisip. May ilan sa atin ang tumatawag sa kanilang “sira ulo,” “may sayad”, o “baliw.”
Kailangan na nating lampasan ang ganoong “stereotype” o pagkakahon sa mga taong may problema sa pag-iisip. Ang kalusugan ng ating isip o mental health ay isang isyung pangkalusugan na hindi lubusang napagtutuunan ng pansin ng pamahalaan at natin mismo bilang mga mamamayan, dahil nga sa mga mali at baluktot na pananaw tungkol sa mga taong nakararanas ng problema sa pag-iisip. Sa depinisyon ng World Health Organization, ang mental health ay ang estado ng kagalingan o well-being ng isang tao kung saan nagagamit niya ang kaniyang potensyal, nakakayanan niyang harapin ang mga stress o problema sa buhay, nakapagtatrabaho o nakagagawa ng mga gawain nang mahusay, at nakapag-aambag sa kaniyang pamayanan. Samakatuwid, ang halaga ng lagay ng mental health ng mga tao ay kasinghalaga rin ng lagay ng kanilang pisikal na kalusugan.
Walang malinaw at updated na datos tungkol sa bilang ng mga Pilipinong may sakit sa pag-iisip o mental illness. Ayon sa mga dalubhasa, hindi tulad ng sakit sa puso o kanser, ang mental illness ay hindi madaling makita. Gaya halimbawa ng mga taong nagbabalak mag-suicide. Malaki ang kaugnayan ng pagsu-suicide sa estado ng pag-iisip ng isang tao, ngunit hindi natin ito madaling nakikita. Hindi natin alam na baka isa sa ating mga kapamilya, kaibigan, o katrabaho ay nakararanas nang matinding kalungkutan o depression at naisip nang magpakamatay. Ayon sa pag-aaral ng World Health Organization noong 2011, 16% ng mga Pilipinong mag-aaral edad 13 hanggang 15 ang minsan sa kanilang buhay ay naisip mag-suicide, habang 13% ang nagtangkang magpakamatay. (Ang pagkalulong sa alak o alcoholism at labis na pagkabalisa o anxiety ay ilan pa sa mga karaniwang mental health problems na nararanasan ng mga Pilipino.)
Prayoridad ng bagong kalihim ng Department of Health ang tiyaking maayos ang estado ng mental health ng mga Pilipino. Kaya naman, suportado ng kagawaran ang pagpapasa ng Mental Health Law, isang batas na magtatag ng isang mental health care system—kasama ang maayos na mga pasilidad at sapat na bilang ng mga dalubhasa gaya ng mga psychiatrists—upang matugunan ang pangangailangan ng mga nakararanas ng anxiety, depression, addiction, at iba pang kalagayang sanhi ng mental illness. Katuwang ng kagawaran ang Department of Education sa pagbubuo ng mga modules tungkol sa mental health upang mabigyan ng maayos na kaalaman ang mga batang Pilipino tungkol sa kundisyong ito at paano maiiwasang humantong ito sa malalang kalagayan.
Magkaiba man ang takbo ng pag-iisip ng mga taong nakararanas ng mental illness sa mas nakararaming tao, pare-pareho po tayong nilikha kawangis ng Diyos, at samakatuwid ay may dignidad bilang mga tao. Sila ay nararapat na ituring at tratuhin bilang mga taong may mga karapatang dapat igalang at buhay na dapat pangalagaan. Ang pagbibigay sa kanila ng sapat at maayos na atensyong medikal ay sang-ayon sa mga panlipunang katuruan ng Simbahan tungkol sa pagtiyak na ang tao ay may maayos na pangangatawan o “bodily integrity”. Ayon sa Pacem in Terris, isang encyclical ni St John XXIII, karapatan ng sinuman ang pagkakaroon ng maayos na pangangatawan at sa mga bagay na magpapaunlad ng kanyang buhay, kasama na rito ang access sa serbisyong pangkalusugan.
Mga Kapanalig, unti-unti ay nabibigyang-pansin na ang mga pangangailangan ng mga kababayan nating may problema sa pag-iisip. Malaking hakbang kung maipapasa ang isang Mental Health Law, ngunit tayo po bilang isang lipunan ay kailangan ding lumawak ang pag-unawa sa mga taong limitado ang kakayahang makapag-isip nang kasintuwid o kasinlinaw ng mas nakararami sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.