587 total views
Nanawagan ang Commission on Youth ng Diocese of Malolos sa publiko lalo na sa mga kabataan na maging mapagbantay at mag-ingat sa lahat ng pagkakataon.
Ito ang mensahe ni Fr. Alvin Pila–chairman ng Commission on Youth ng Diyosesis ng Malolos kaugnay sa mga ulat ng pagkawala ng ilang mga kabataan sa probinsya ng Bulacan at mga kalapit lugar.
Paalala ng pari sa kabataan na tuwinang sundin ang payo at tagubilin ng mga magulang na walang ibang hangarin ay ang kanilang kaligtasan.
“Laganap pa rin po ang kasamaan at krimen kaya lagi tayo dapat mag-ingat hindi lamang ngayong may mga ganitong balita kundi lagi-lagi dapat! Sama-sama tayong magdasal at ingatan ang bawat isa! Maging mapagbantay at maging masunurin sa mga magulang, autoridad at Simbahan.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Pila sa Radio Veritas.
Bukod sa pag-iingat sinabi pa ni Fr. Pila ang tuwinang pananalangin sa Panginoon na mailayo sa kapahamakan.
“Para po sa mga kapanalig natin dito sa Bulacan lalo na sa mga kabataan. Totoong tayo ay iniingatan ng Diyos, sa mga pagkakataong ganito tayo lalo tinatawag na manampalataya. Ngayon higit kailaman na pinapaalala sa atin lalo na ng Simbahan na bukod sa pag-iingat ng Diyos, dapat din natin ingatan ang ating mga sarili.” Dagdag pa ni Fr. Pila.
Payo din ng pari sa mga kabataan na huwag damdamin ang mga paalala ng kanilang mga magulang o ng mga nakatatanda na ang hangarin lamang ay magsilbing gabay para sa kanilang kaligtasan at matuwid na pamumuhay.
“Ang paalala ng magulang maging ng Simbahan ay tinig ng Diyos, lalo sa mga Parish Committee on Youth o kabataan ng parokya lagi sana tayo makikinig, wag tayo magdadamdam sa mga paalala. Maraming kabataan kasi ang naiisip agad ay maglayas kapag nagtampo, pakaisipin natin ang ating kaligtasan at maraming mga taong mag-aalala sa atin.” Ayon kay Fr. Pila.
Una ng kumalat sa social media ang mga balita ng pagkawala ng ilang kabataang babae sa probinsya ng Bulacan kung saan July 6, 2022 ay natagpuan ang bangkay ng 24-na-taong gulang na babae sa may boundary ng Guiguinto at Malolos, Bulacan.
Nilinaw naman ni Bulacan Police Provincial Director Police Col. Charlie Cabradilla na tatlo sa apat na iniulat na nawawala ay hindi dinukot o kinidnap, sa halip ang dalawa ay umalis ng walang paalam, habang ang isa naman ang naglayas mula sa kanilang bahay.