187 total views
Mga Kapanalig, ang alaala ay isang kapasidad na katangi-tangi sa tao. Sa pagkakaalam natin, walang ibang nilalang sa mundo ang may alaala, o may kakayanang gunitain ang mga pangyayari sa kanyang buhay at pagmunihan ang kahulugan ng mga ito. Sadyang natatangi ang alaala sa ating mga kakayanan bilang tao; maging ang ating relasyon sa ating kapwa, sa Diyos, at maging ang pagkakilala natin sa ating sarili ay nababalot ng alaala. Kung wala kang naaalala, hindi ba’t maging ang sarili mo ay hindi mo na rin kilala? Ang mga may Alzheimer’s Disease ay nawalan ng alaala kung kaya’t hindi sila nakakakilala ng iba at ang kanilang sarili. Tunay ngang ang alaala ang pinto sa ating kaluluwa.
Ang isang bansa ay lumilikha ng mga bantayog upang magpaalala sa kanila at sa susunod na salinlahi ng mga pangyayaring itinuturing nilang mahalaga sa kanilang kasaysayan. Maraming mga bantayog na nagdadakila sa kabayanihan. Nariyan ang mga bantayog ng mga kilalang bayani tulad nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Ninoy Aquino. Nariyan din ang mga bantayog na dinadakila ang kabayanihan ng mga ordinaryong mamamayan, tulad ng bantayog sa Bataan at sa EDSA. Subalit wala tayong mga bantayog na nagpapagunita ng kabaligtaran ng kabayanihan. Dito sa ating bansa, may bantayog ba tayong naiisip na nagpapagunita ng ating kaduwagan, kataksilan, karahasan, at pang-aapi sa kapwa?
Sa siyudad ng Berlin sa Germany, mayroong isang kakaibang bantayog, tila isang parke na ang tanging nakatayo ay hile-hilera ng animo’y mga puntod na iba’t iba ang taas. Kapag dumadaan ang mga tao sa pagitan ng mga ito, pakiramdam nila ay nagiging bahagi sila ng bantayog. Hindi nila makuhang tumawa, kahit sila ay nagpapa-retrato pa, at hindi nila makuhang magsalita ng mga walang katuturang bagay. Sagrado ang pakiramdam sa paligid. Ito po ang Memorial to the Murdered Jews of Europe, isang bantayog upang gunitain ang holocaust o ang malawakang pagpatay ng mga Nazi, sa utos ng diktador na si Adolf Hitler, sa milyun-milyong mga Hudyo.
Kakaiba ang bantayog na ito dahil hindi lamang siya nagsisilbing tagapagpagunita para sa mga biktima at “survivors” ng holocaust. Nagpapaalala rin siya sa mga gumawa ng pagpatay, o “perpetrators” ng holocaust. Ang bantayog ay simbolo ng pag-amin at pag-akò ng mga Aleman na naging bahagi sila sa malagim na yugtong ito ng kasaysayan ng sangkatauhan.
Tayong mga Pilipino ay may dinaanan ding mga madidilim na nakaraan. Isa sa hindi pa malayong naganap ay ang panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos kung kailan marami ang pinatay, na-torture, nawala, at ‘di na nahanap at ipinapalagay nang patay. Subalit tila marami sa ating mga kababayan ang hindi na ito naaalala. May nagsasabi pa ngang hindi totoong naganap ang mga pagpatay na ito. Wala naman kasing mga “perpetrators” o mga taong pumatay na lumatad, nalitis, at umakong sila nga ay gumawa ng mga ganoong bagay. Mayroong libu-libong mga nakulong, na-torture at napatay, subalit wala tayong kilalang nagkulong, nag-torture, at pumatay. Kaya ngayon, nakalulungkot na ang alaala natin bilang isang bansa sa madilim na panahon ng Batas Militar ay may bahid ng pagtanggi at paglimot.
Mga Kapanalig, para sa ating mga Katoliko, ang simbolo ng ating pananampalataya ay ang krus, na kung tutuusin ay isang simbolo ng kahihiyan dahil tagapagpaalala ito ng iskandalo ng kasalanan ng tao. Subalit ang kasalanang ito ay pinatawad, niyakap, at inakò ni Hesus para sa atin. Kung wala ang alaala ng kasalanan at kadiliman, walang magaganap na pagpapatawad at pagbabalik sa katotohanan at kabutihan. Mahalaga ang mga bantayog na magpapagunita sa atin ng mga madidilim na bahagi ng ating kaluluwa bilang isang bansa—ang mga kaduwagan, kataksilan, karahasan, at pang-aabuso na ating nagawa—upang hindi na natin sila uulitin. Huwag nating hayaang mabaon ang mga ito sa limot.
Sumainyo ang katotohanan.