824 total views
Ipinapanalangin ni Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc ang kaligtasan ng mga pamilyang nasalanta ng malawakang pagbaha sa Ifugao Province.
Ayon kay Bishop Dimoc, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Indigenous Peoples, ang nangyaring pagbaha sa bahagi ng Banaue, Ifugao ay dahil sa mga nakatayong bahay sa mismong natural na dinadaluyan ng tubig patungo sa ilog.
Ipinaliwanag ng Obispo na naharangan na ng mga bahay ang dapat na daluyan ng tubig kaya nitong umulan dulot ng habagat ay sa mga kalsada na dumaan ang naipong tubig na naging sanhi ng flashflood at mudslide.
“Wala naman kasing sufficient na daluyan ng tubig kaya ganun ‘yung nangyari. Pumupunta na sa mga bahay ‘yung tubig mula sa bundok. Lahat ng gilid ng kalsada, walang daluyan ng tubig kaya naiipon ‘yung tubig. Nagiging drainage kanal na ‘yung kalsada,” ayon kay Bishop Dimoc sa panayam ng Radio Veritas.
Panawagan naman ni Bishop Dimoc sa mga kinauukulan na ipatupad ang pagkakaroon nang maayos na drainage system sa mga pamayanan nang sa gayon ay maayos na makadaloy ang mga tubig mula sa bundok patungo sa ilog.
Gayundin ang paghimok sa mga residente na iwasan na’ng magtayo ng mga istruktura tulad ng mga bahay sa mga mapanganib na bahagi upang maiwasan ang maidudulot na abala at pinsala sa kalikasan.
“Doon sa Banaue, alam na rin nila ang gagawin nila. Will they really continue to force people to provide the space for drainage system? Kung hindi, it will repeat itself,” saad ng Obispo.
Patuloy naman ang isinasagawang ocular visit at assessment ni Bontoc-Lagawe Social Action Director Fr. Apol Dulawan, MJ upang matukoy ang kalagayan at pangangailangan ng mga pamilyang naaapektuhan ng pagbaha.
Batay sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 500 pamilya o 1500 indibidwal ang mga nagsilikas kasunod nang naganap na sakuna.
Nitong Huwebes nang magsimula ang malawakang pagbaha at mudslide sa bahagi ng Ifugao Province partikular na sa bayan ng Banaue dulot ng malakas na pag-uulang sanhi ng hanging habagat.