713 total views
Nakikiisa si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa panawagan ng mga benepisyaryo ng Agrarian sa Hacienda Tinang, Tarlac City na ipamahagi ang mga lupang taniman na ipinangako ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Ayon sa Obispo, ito ay dahil karapatan ng mga magsasaka ng higit na mga benepisyaryo na matanggap at makapagtanim sa lupaing sakahan.
“Hindi lamang ito sa Tarlac ngunit sa lahat na sana makinig tayo, ito ay panawagan din ng social justice na ang kayamanan ng buong bansa ay kayamanan ng lahat,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Mensahe naman ng Obispo sa mga nagmamay-ari ng malalaking kompanya at korporasyon na umaangkin sa lupang taniman ng mga magsasaka na magpaubaya upang magkaroon ng kabuhayan at pang-tustos sa kanilang mga pang araw-araw na pangangailangan.
“Umunlad na sila sa lupa sana itong maliliit na magsasaka ay makinabang din sa lupa,” ayon pa sa mensahe ng Obispo sa mga may-ari ng kompanya.
Una na ring inaresto ng mga pulis ang may 90 magsasaka na nakiisa sa demonstrasyon sa Hacienda Tinang sa Tarlac na agad din namang nakalaya sa dahil sa piyansa.
Panawagan naman ni Fr. Randy Salunga, Director ng Caritas Tarlac sa DAR na bilisan ang pagsasaayos ng mga ipinangakong lupa na umaabot na sa 26-taon.