2,152 total views
Mariing tinututulan ng Catholic Faith Defenders (CFD) ang pagsusulong ng diborsyo sa bansa.
Sa pahayag ng CFD – Luzon Chapter nanindigan itong dapat ipagtanggol ang pamilya laban sa mapanirang hakbang na isinusulong ng ilang mambabatas.
“We, the CATHOLIC FAITH DEFENDERS OF LUZON, express our firm stance in the teachings of the Catholic Church and strongly oppose the legalization of Divorce here in the Philippines,” bahagi ng pahayag ng grupo.
Naniniwala ang grupo na ang diborsyo ay tahasang paglabag sa utos ng Panginoon lalo na sa nakasaad sa ebanghelyo ni San Markos 10:9 na ‘huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.’
Anila sisirain ng diborsyo ang pundasyon ng pagbubuklod ng mag-asawa at ang pakikipagtipan sa Panginoon sa hirap at ginhawa ng kanilang pagsasama.
Iginiit ng CFD na ang sakramento ng kasal ay namumukod tangi sapagkat ito ay panghabambuhay na pagsasama.
“The essence of marriage is its PERMANENCE and INDISSOLUBILITY—without which, marriage becomes meaningless and not different from mere partnership contracts,” dagdag ng CFD.
Tinukoy din ng grupo ang mga probisyong sinasaad sa Saligang Batas na mangangalaga sa pamilya.
Iginiit ng CFD na hindi malulutas ng hiwalayan ang suliranin ng mag-asawa kundi lalong magdudulot ng pagkasira hindi lang sa pamilya kundi ang pagkakawatak-watak ng pamayanan.
Sa halip na diborsyo apela ng CFD sa mga mambabatas na paigtingin ang Family Values Education programs sa pangunguna ng religious leaders; palakasin ang pre-marital and marital character development programs sa halip na isulong ang contraception; paggawa ng mga batas na mangangalaga sa kabataan sa dysfunctional families; pagpatupad ng mga programang tutugon sa suliranin ng pamilya na nahaharap sa iba’t ibang hamon at ang paggawa ng hakbang na matugunan ang kahirapan, kriminalidad at iba pang suliraning panlipunan.
Apela ng grupo sa mananampalataya na magkaisang tutulan ang diborsyo at magbuklod sa pagtatanggol sa karapatan ng bawat pamilya.
Matatandaang muling isinulong ni Albay Representative Edcel Lagman sa mababang kapulungan ang Absolute Divorce Act habang naghain din ng kanilang bersyon sa mataas na kapulungan sina Senators Risa Hontiveros, Robinhood Padilla at Raffy Tulfo.
Una nang sinabi ni Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP Public Affairs Committee na dapat tutukan ng pamahalaan ang paglikha ng mga programang tutugon sa pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino na apektado sa krisis pang ekonomiya.