310 total views
Hinamon ng Health Care Ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na pagtuunan at paigtingin ang sektor ng kalusugan sa mga pamayanan.
Ayon kay Camillian Father Dan Cancino, executive secretary ng komisyon, ito ang kailangan ng bansa upang mabilis na matugunan ang pangangailangang pangkalusugan lalo na sa malalayong komunidad.
Sinabi ng pari na ang nangyayaring krisis dulot ng coronavirus pandemic ang nagpakita ng kahalagahan ng sektor ng kalusugan ng bansa upang mapagtuunan ang pagbibigay-lunas sa iba’t ibang karamdaman.
“Ang isang paraan para magkaroon nang sustainable na isang health care system, lalong lalo na sa isang bansa ay ang pagpapatatag din ng sistema ng mga komunidad hanggang barangay level, local government level at udyukan, tulungan, at bigyan ng adbokasiya at the local level na i-prioritize itong health natin,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Hinihiling din ni Fr. Cancino sa pamahalaan na pakinggan ang panawagan ng mga medical frontliners na patuloy na naglilingkod sa kabila ng mga pinagdaanan sa kasagsagan ng pandemya.
Iginiit ng pari na maraming makabuluhang mungkahi ang mga healthcare workers na tiyak na makakatulong sa pagbabalangkas ng mga plano para sa pagsusulong ng maayos na sistema sa kalusugan.
“Napakaganda, napakaraming suggestion ng mga healthcare workers na ito; patatagin hindi lamang ang mga ospital, mga facility, pero patatagin ‘yung ating community-based na mga health programs doon sa mga barangay level. Kung mapapatatag, mapapalaganp itong ating Universal Health Care Law hanggang sa community level, pati po ang sektor ng mga manggagawa sa kalusugan ay mabibigyang prayoridad,” ayon kay Fr. Cancino.
Taong 2019 nang lagdaan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte upang ganap nang maging batas ang Universal Health Care Law na inaasahang magbubunga ng malawakang pagbabago sa public health sector ng bansa.
Suportado ng simbahan ang bawat layunin at adhikain ng pamahalaan lalo na sa pagpapabuti sa sektor ng kalusugan ng bansa para sa kapakanan ng nakararami lalo’t higit ang mga nasa mahihirap na sektor ng lipunan.