221 total views
Hinikayat ng opisyal ng CBCP Episcopal Commission on Health Care ang publiko na suportahan ang inisyatibo para sa muling pagpapaturok ng Covid 19 vaccine.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Dan Cancino MI, Executive Secretary ng komisyon kaugnay sa panawagan ng Department of Health na magpa-2nd dose na ang mamamayang Filipino lalo na ang mga nasa vulnerable sector.
Ayon kay Fr. Cancino, kailangan ang booster shot upang mas mapatibay ang ating depensa laban sa Covid 19 lalo na sa mga indibidwal na nagkakaroon ng exposure at palaging nasa labas ng tahanan.
Tiniyak ng Pari na hindi dapat mangamba ang publiko sa muli’t-muling pagpapabakuna sapagkat nakatulong ito upang mapababa ang bilang ng mga nagkakaroon ng severe symptoms at nadadala sa mga pagamutan dahil sa Covid19.
“Nakita natin ang impact ng vaccination, tumataas man ang kaso pero hindi masyadong mataas ang pag utilize ng mga hospital capacity baka ito na ang sinasabi natin na effect ng vaccination so we are promoting it lalo na sa mga Diocese o Probinsya na medyo mas maraming challenges in terms of vaccination.”pahayag ni Fr.Cancino
Inihayag ni Fr. Cancino na suportado ng Simbahang Katolika ang pagpapabakuna batay sa wika ni Pope Francis na ito ay pagpapamalas ng pagmamahal hindi lamang sa sarili kundi maging sa kapwa at sa ating sanilikha.
“Babalikan ko yung sinabi ni Pope Francis, vaccination is an act of love. Ito ay pagpapakita ng pag-ibig natin sa sarili, sa ating mga mahal sa buhay, sa ating kominudad. Ito yun ating moral responsibility na sana lahat tayo ay mabakuhanan, lahat tayo ay umiwas sa sakit at mapalaganap natin ang sinasabing healthy planet. Ito ang contribution natin sa maliit na paraan.”paglilinaw ng Pari na isa rin Doktor.
Batay sa datos ng Department of Health ngayon buwan ng Hulyo taong 2022, nasa mahigit 71 milyong indibidwal na ang naka-kumpleto ng Covid19 vaccine dose sa Pilipinas bagamat ang nagpa-booster shot ay umaabot pa lamang sa mahigit 15 milyong indidbiwal.
Una nang nanawagan ang Department of Health sa mga naturukan na ng 1st booster vaccine na muling magpabakuna upang matiyak na matibay ang depensa nito laban sa Covid19.
Ilang mga Simbahan o Parokya naman sa Pilipinas ang nagsisilbing vaccination hub at katuwang ng Health Sector upang makatulong na mas marami ang magkaroon ng access sa pagpapabukuna.