397 total views
Tiniyak ng Arnold Janssen Kalinga Center (AJKC) ang patuloy na pagkakaloob ng tulong, suporta at pagkalinga sa mga palaboy sa muling pagbubukas ng pasilidad dalawang taon matapos ito ay magsara dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Rev. Fr. Flavie Villanueva – Founder ng Arnold Janssen Kalinga Center,kasabay ng paggunita ng ika-7 anibersaryo ng pasilidad ay muli itong nagbukas noong ika-16 ng Hulyo, 2022.
Misyon ng AJKC ang makapagkaloob sa mga palaboy o walang tahanan ng libreng pagkain at pagkakataon upang makapaligo at makapaglinis ng katawan bilang pagbibigay halaga sa dignidad ng pagkatao.
“Our Arnold Janssen Kalinga Center (AJKC) was locked down by the police, the barangay captain, and his cohort on the first day of the COVID-19 lockdown. But to mark the milestone of Arnold Janssen Kalinga Center’s 7th year anniversary, we are re-opening on July 16, 2022 to continue providing dignified food, showers, and support for our dear homeless sisters and brothers,” ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Flavie Villanueva.
Ayon sa Pari, layunin ng muling pagbubukas ng pasilidad ang maipalaganap sa bawat isa ang mensahe na ang pagkakawang-gawa at pagbabahagi ng biyaya sa kapwa ay walang pinipiling oras o hangganan tulad na lamang ng pandemya.
Tiniyak rin ni Fr. Villanueva na patuloy na tutupdin ng Arnold Janssen Kalinga Center (AJKC) ang mga ipinatutupad na minimum safety health protocol bilang pag-iingat sa COVID-19.
“We at Arnold Janssen KALiNgA Center, a center that seeks to provide dignified “Kain-Aral-Ligo Ng Ayos for our dear homeless sisters and brothers are resolve to follow the protocols of Covid-19. But we are more fervent in sending a message to all people of goodwill: “compassion knows no time, boundaries and pandemic,” dagdag pa ni Fr. Villanueva.
Inihayag ng Pari na sa gitna ng pangamba at kawalan ng katiyakan ay higit na nag-aalab ang kanilang pagnanais na makatulong sa mga nangangailangan upang maipadama ang habag, awa, at pagmamahal ng Panginoon sa sangkatauhan.
Nanawagan naman si Fr. Villanueva sa lahat ng mga may mabubuting puso at nagnanais na magbahagi ng biyaya sa kapwa na maging katuwang ng Arnold Janssen Kalinga Center (AJKC) sa pagbabahagi ng ‘dignified, systematic and holistic care’ para sa mga palaboy o walang sariling tahanan.
“Come and be a partner in the mission of providing dignified, systematic and holistic care to the MOST – Marginalized, Outcast, Suffering and Tormented,” paanyaya ng pari
Unang inihayag ng Pari na may tatlong bahagi ang misyon ng Arnold Janssen Kalinga Center na pagbibigay ng pangkabuuan at sistematikong pagpapahalaga sa dignidad ng bawat nangangailangan,pagkakaloob ng alternative learning system at mapagkakakitaan upang muling maibalik ang self-worth ng bawat isa para sa pagkakaroon ng panibagong buhay.
Matatandaang noong nakalipas na taon ay personal na nakibahagi ang kinatawan ng Santo Papa Francisco sa bansa sa paggunita ng ika-6 na anibersaryo ng Arnold Janssen Kalinga Center sa Tayuman, Manila.
Ipinaabot ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang paghanga at pagkilala sa lahat ng mga nasa likod at nangangasiwa sa pasilidad.
Taong 2015 ng itinatatag ng Society of Divine Word (SVD) congregation ang St. Arnold Janssen Kalinga Center upang magkaloob ng tulong para sa mga nangangailanngan lalo na ang mga palaboy sa lansangan na walang permanenteng tirahan sa syudad ng Maynila.