488 total views
Nilinaw ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na hindi layunin ng programang ‘bureaucracy rightsizing’ ng administrasyong Marcos ang pagbabawas ng mga manggagawa sa gobyerno.
Ayon sa labor department, hindi dapat ikabahala ang planong ‘rightsizing’ na layuning isaayos ang patakaran sa serbisyo publiko ng iba’t ibang kagawaran nang hindi kinakailangan ang pagtatanggal ng mga kawani.
Paliwanag ni Laguesma, bahagi ng plano na bigyang pansin ang kapasidad, kakayahan, at manpower ng bawat departamento sa dahilan upang ‘i-upsized’ ang mga dapat bigyang tuon, tulad ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan.
“Nakikita kasi na may mga sektor o services na dapat mo pang dagdagan dahil mayro’ng mga reklamong may kinalaman sa pagbibigay ng daglian at maayos na serbisyo. Halimbawa, ‘yun pong healthcare services at saka sa atin pong edukasyon ay medyo kailangan po natin talagang tignan upang tayo naman ay makatulong sa pagpe-prepara ng atin pong mga kabataan o ng ating mamamayan na makakita ng medyo tamang hanapbuhay [na] akma sa kanilang kasanayan,” ayon kay Laguesma sa panayam ng Radio Veritas.
Ang ‘bureaucracy rightsizing’ ay isinusulong ng Department of Budget and Management (DBM) na layong isaayos ang panuntunan at gawing payak ang mga posisyon ng mga government workers at ang paglilipat ng manggagawa mula sa isang departamento patungo sa ibang tanggapan.
Ang mungkahi ay una na ring nagdulot ng kalituhan at ang pinangangambahang ‘retrenchment’ sa mga manggagawa ng gobyerno.
“Bawasan din ‘yung mga procedures na duplication. Totoo ‘yan sa mga nakalipas na administrasyon meron ng ganyan balakin pero tuloy-tuloy pa rin ‘yung mga reklamo at pagpuna na parang lumalaki pa yata ang burukrasya despite ‘yung mga sinasabi na programa para mabawasan,” ayon kay Laguesma.
Nilinaw ng pamahalaan na hindi pa maisasakatuparan ang ‘bureaucracy rightsizing’ na kinakailangan pang mapagkasunduan sa kongreso. | with News Intern Chris Agustin