229 total views
Nagpapasalamat si Fr. Dan Cancino, MI sa mga nangangalaga sa mga may karamdaman lalo na sa kasagsagan ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Fr. Cancino, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Health Care na malaki ang naiitulong ng mga tagapag-alaga ng maysakit para sa mabilis na paggaling ng mga may karamdaman.
Sinabi ng pari na ang mga tagapag-alaga ang nagsisilbing instrumento ng Panginoon para sa mga pasyente upang mabanaagan ang liwanag ng pag-asa ng kagalingan.
“Sa panahon ngayon, ang ating pangangalaga sa maysakit ay nagluluningning na. Sa mga nag-aalaga sa maysakit, sa ating mga carers, caregivers, manggagawa sa kalusugan – sa ospital at sa komunidad, maraming salamat sa malasakit at paghahatid ng liwanag ng ating Panginoon lalong lalo na sa mga dumaranas ng karamdaman,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Batid ni Fr. Cancino ang pagsasakripisyo ng mga healthcare workers at mga caregivers na nag-alay ng kanilang mga oras upang mapaglingkuran at matulungang gumaling ang mga pasyente mula sa mga karamdaman.
Nitong nakaraang dalawang taon ng pandemya, nasaksihan ng lahat ang mahalagang ambag ng mga medical frontliners sa pagtugon sa nakakahawa at nakamamatay na COVID-19.
Ilan sa mga ito ang binawian na ng buhay dahil sa labis na pagtatrabaho alang-alang sa mga pasyenteng nagnanais na gumaling at makaligtas sa malalang sakit.
“We recognize your love and your effort to the sick. Dito natin makikita sa puso ng bawat tao na nandoon pa rin yoong itinatak ng Panginoong Diyos na mangalaga sa kapwa,” ayon sa pari.
Dalangin naman ni Fr. Cancino na nawa’y dumami pa ang mga tagapag-alaga na may mabubuting puso upang maging inspirasyon ng nakararami sa pagtulong para sa kagalingan ng mga may karamdaman.