865 total views
Mga Kapanalig, naniniwala ba kayong ang kasaysayan o history ay parang tsismis?
Ilang linggo na ang nakararaan nang ihalintulad ng isang aktres ang kasaysayan sa tsismis. Gaganap ang aktres bilang anak ng diktator at dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. sa isang pelikula tungkol sa huling araw ng pamilya bago ang People Power Revolution noong 1986. Para sa ilang eksperto at kritiko, bahagi ang pelikula ng malawakang historical revisionism o pagbaluktot sa kasaysayan ng Martial Law.
Umani ng batikos, lalo na mula sa mga historyador, ang naging pahayag ng aktres na tila ba pangmamaliit sa disiplina ng kasaysayan at paghahalintulad lamang nito sa tsismis o gawa-gawang kuwento. Ayon kay Dr. Ambeth Ocampo, isang kilalang historyador sa bansa, huwag tayong malito sa kasaysayan at tsismis. Maaaring may kinikilingan o bias ang kasaysayan ngunit nakabase ito sa tunay na mga pangyayari o facts, hindi sa mga opinyon. Ang tunay na kasaysayan ay tungkol sa katotohanan, hindi sa kasinungalingan o kathang-isip. Mayroong mga sumang-ayon at sumuporta kay Dr. Ocampo pero dinumog din siya ng mga loyalista ng mga Marcoses at mga trolls sa social media. Tinawag siyang “yellow historian”, bayaran, at kung anu-ano pang masasamang salita. Nauwi sa paninirang-puri o ad hominem attacks laban kay Dr. Ocampo ang debate sa isyu.
Dahil dito, nagsalita ang mga grupo ng historyador upang ipagtanggol si Dr. Ocampo. Para sa Tanggol Kasaysayan, nasayang ang pagkakataong malalim na mapag-usapan ang halaga ng kasaysayan dahil sa mga paninirang-puri na ibinato kay Dr. Ocampo. Naninidigan ang grupong sinusuportahan nila si Dr. Ocampo sa pagwawasto sa tila mababang pagtingin sa disiplina ng kasaysayan, lalo na sa mahalagang papel nito sa paggawa ng mga totoong kaalaman tungkol sa ating nakaraan.
Kinundena naman ng Network in Defense of Historical Truth and Academic Freedom ang mga panlalait kay Dr. Ocampo. Tanong nila: kung ganito ang inaaabot ng kagalang-galang na historyador sa ating bansa, ano pa ang aasahan nating mangyayari sa mga ordinaryong taong tumitindig para sa katotohanan at kasaysayan? Nanawagan sa publiko ang grupong patuloy na manindigan para sa katotohanan at integridad.
Sa kabila ng mga reaksyong ito, muling naglabas ng video ang aktres kasama si Senadora Imee Marcos noong isang linggo. Pinanindigan ng aktres na ang kasaysayan ay tsismis lamang, ngunit ngayon daw ay “napatunayan dahil sa ebidensya at research.” Sumang-ayon naman ang senadora: “History is tsismis with methodology, analysis, and proof.” Pangmamaliit pa rin ang mga salitang ito sa importansya ng kasaysayan at sa papel nito sa kaunlaran ng ating bayan.
Naniniwala ang mga panlipunang turo ng Simbahan na tungkulin nating mga Kristiyanong manindigan, pangalagaan, at isulong ang katotohanan. Responsibilidad nating maging saksi ng katotohanan sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Hindi natin makakamit ang maayos, mapayapa, at maunlad na lipunan kung hindi ito nakabatay sa katotohanan. Kaakibat ng paninindigan sa katotohanan ay ang pagtataguyod sa dignidad ng tao. Kung tutugunan lamang natin ang mga suliranin ng ating bayan batay sa katotohanan, maiwawaksi natin ang mga pang-aabuso at maisusulong natin ang dignidad ng lahat.
Sinasabi nga sa Juan 8:32, “Ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.” Paano tayo magiging malaya kung sa gitna ng teknolohiya at mabilis na access ng marami sa impormasyon ay pinipili nating baluktutin ang katotohanan? Makakamit ba natin ang tunay na kalayaan kung binabastos natin ang mga taong ipinagtatanggol ang katotohanan?
Mga Kapanalig, katotohanan ang pundasyon ng kasaysayan. Ang kasaysayan ay nagbibigay sa atin ng mga aral mula sa nakaraan para sa mas matalinong paghakbang sa hinaharap. Hindi tsismis lamang ang kasaysayan. Ito ay masusing paghahanap sa katotohanan, isa itong disiplina sa pagdiskubre ng kahulugan sa ating mga karanasan. Manindigan tayo para sa katotohanan.