506 total views
Naglunsad ng Health Caravan ang RiteMed Philippines Inc. bilang bahagi ng paggunita sa ika-20 anibersaryo ng pharmaceutical company.
Ginanap ang health caravan sa Risen Garden sa Quezon City Hall Compound kung saan isinagawa ang libreng medical consultation para sa mga barangay health workers, church volunteers lalo na ang mga senior citizen.
Ayon kay RiteMed General Manager Vincent Patrick Guerrero, layunin ng health caravan na paglingkuran ang mga nagsisilbing community health frontliners bilang pagpapasalamat sa patuloy na paglilingkod sa kabila ng mga nararanasang krisis tulad ng coronavirus pandemic.
“Gusto naming magpasalamat talaga sa mga partners natin at isa sa kanila ay mga frontliners. Gaya po nitong mga barangay health workers at mga catholic church volunteers. So ngayon, meron pong libreng pag-konsulta tapos kung ano pong ire-reseta ng doktor ay may partner na RiteMed na gamot na ibibigay ng libre naman,” pahayag ni Guerrero sa panayam ng Radio Veritas.
Natapat din ang paglulunsad sa health caravan sa paggunita sa 44th National Disability Prevention and Rehabilitation Week kaya’t nakatanggap din ng serbisyong medikal ang mga persons with disability o may mga kapansanan.
Nangako naman ang pharmaceutical company na patuloy nitong isusulong ang abot-kaya at magandang uri ng gamot para sa bawat pilipino.
“Ang pangako po ng RiteMed sa sambayanang Pilipino ay ipagpapatuloy po namin ang aming adbokasiya na laging siguraduhin na may mura at dekalidad na gamot para sa lahat ng inyong pangangailangan,” ayon kay Guerrero.
Ang RiteMed health caravan ay bahagi ng malawakang community-based health initiative na maliban sa Quezon City ay isasagawa rin sa Mandaluyong City; San Fernando, Pampanga; Malolos, Bulacan; Batangas City; Biñan, Laguna; at ilan pang mga lungsod sa Visayas at Mindanao.
Katuwang ng pharmaceutical company sa inisyatibo ang mga City Health Offices, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Commission on Health Care, Caritas Manila, CBCP-NASSA Social Action Network, at Far Eastern University – Nicanor Reyes Medical Foundation.