335 total views
Nanawagan ng pagkakaisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commisison on Migrants and Itinerant people (CBCP-ECMI) upang ligtas na makauwi ang mga Pilipinong nananatili sa Sri Lanka.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos – Vice-chairman ng CBCP-ECMI, nararapat suportahan ang pamahalaan upang maging matagumpay ang repatriations efforts ng Department of Foreign Affairs (DFA)sa mga Pilipinong nasa Sri Lanka na nagnanais makauwi na sa Pilipinas.
“For their safety and their protection we support the repatriation of our Filipino nationals in Sri Lanka. In this difficult and uncertain time we appeal to our Filipino to heed the call of government officials for cooperation and to collaborate with them. It is for their own good and well-being,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Paalala naman ng CBCP-ECMI sa mga Pilipinong nananatili sa Sri Lanka ang patuloy na pag-iingat kasabay ng pagsunod sa mga tagubilin ng Philippine Embassy.
“Let us also pray for peace in Sri Lanka, that fostering strength and unity they will surpass that crisis and attain the way to progress and prosperity,” ayon pa sa mensahe ni Bishop Santos.
Batay sa pag-uulat ng DFA, aabot sa 700-Overseas Filipino Workers at migranteng Pilipino ang nananatili sa Sri Lanka.
Mula sa bilang, higit sa 100-Pilipino ang nagpahayag ng pagnanais na makaalis na sa bansang nakakaranas ng matinding krisis sa ekonomiya kung saan umiiral na ang ‘State of Emergency’.