435 total views
Nananawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco para sa pagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng tao at likas na yamang nilikha ng Diyos.
Ito ang bahagi ng mensahe ng Santo Papa para sa World Day of Prayer for the Care of Creation na ginugunita ng simbahan tuwing unang araw ng Setyembre, hudyat ng pagsisimula ng Season of Creation.
Tema ngayong taon ng Season of Creation ang “Listen to the voice of creation” kung saan hinihimok ng punong pastol ng Simbahang Katolika ang bawat isa na pakinggan ang tinig ng nagdadalamhating kalikasan.
“If we learn how to listen, we can hear in the voice of creation a kind of dissonance. On the one hand, we can hear a sweet song in praise of our beloved Creator; on the other, an anguished plea, lamenting our mistreatment of this our common home,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Tinutukoy ng Santo Papa ang hinaing ng mga mahihirap at daigdig na labis nang napipinsala dahil sa hindi makatarungang pang-aabuso sa mga likas na yaman.
Ayon kay Pope Francis napapanahon na upang pagsisihan at baguhin ng bawat isa ang mga nakasanayang pamumuhay bilang pagpapahalaga sa mga higit na apektado ng mga pagbabago sa kapaligiran.
“The present state of decay of our common home merits the same attention as other global challenges such as grave health crises and wars,” ayon sa Santo Papa.
Hinimok naman ng punong pastol ng simbahan ang bawat bansa na kumilos lalo na sa nalalapit na United Nations Climate Change Conference.
Isasagawa ang COP27 Summit sa Egypt sa Nobyembre upang muling talakayin ang nangyayaring pagbabago ng klima ng mundo at ang Paris Agreement na nagtatakda sa temperatura ng mundo sa 1.5 degrees-Celsius.
Gayundin ang COP15 Summit na gaganapin naman sa Canada sa Disyembre para isulong ang pagkakaroon ng bagong multilateral agreement upang mapigilan ang unti-unting pagkasira ng kalikasan at pagkaubos ng iba’t ibang uri ng hayop.
“Let me repeat: “In the name of God, I ask the great extractive industries – mining, oil, forestry, real estate, agribusiness – to stop destroying forests, wetlands, and mountains, to stop polluting rivers and seas, to stop poisoning food and people,” saad ni Pope Francis.
Sa pagdiriwang ng Season of Creation, dalangin ng Santo Papa na maging mapayapa at makabuluhan ang mga mapapag-usapan sa COP27 at COP15 upang mapagbuklod ang sangkatauhan sa pagharap sa krisis dulot ng climate change at pagkasira ng kalikasan.