183 total views
Ngayong palaging makulimlim ating panahon, ulan ay bumubuhos katulad ng unos at kadilimang bumabalot sa buhay ng karamihan, kay gandang paglimi-limihan at dasalan tagpo sa libingan ni Jesus nang ito'y puntahan ng mga kababaihan sa pangunguna ni Maria Magdalena noong Siya ay muling nabuhay.
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na batong panakip sa pinto ng libingan. Si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng ng bangkay ni Jesus, and isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Lumingon siya… at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.
Juan 20:1, 11-12, 14
Maraming pagkakataon kapag labis ang aming hapis Panginoon, ika'y hindi namin nakikilala gayong katabi ka namin pala! Katulad ni Santa Maria Magdalena marahil ay mugto aming mga mata sa pagtangis at dalamhati sa pagpanaw ng mahal namin sa buhay o dili kaya habang nagbabantay sa naghihingalong mahal sa buhay.
Hindi ka rin namin makilala, Panginoon katulad ni Santa Maria Magdalena sa tuwina kami'y nagbabata ng hirap at sakit dahil mahigpit aming kapit, pilit ibinabalik nagbabaka-sakaling mapanatili mga nagisnang gawi, pakikipag-ugnayan sa pumanaw naming mahal o sa nag-aagaw buhay na tiyak kami'y iiwanan nang lubusan.
Tinanong siya ni Jesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko. “Maria!” ani Jesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” – ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama,” wika ni Jesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’s pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Jesus.
Juan 20:15-18
Panginoon, kami ay tulungan kung maari tawagin din sa pangalan upang ikaw aming makilala at maranasan sa piling namin kung kami'y nabibigatan at nadidiliman dahil iyong dahilan sa pagparito ay upang kami ay samahan pagaanin mga pasananin at hanguin tungo sa bagong buhay kaloob mo sa tanan.
Nawa katulad ni Santa Maria Magdalena ikaw ay lubusan naming makilala upang sa amin mabanaagan sinag ng iyong galak at katuwaan, mga palatandaang tunay ngang ikaw ay aming nakita, maihayag sa salita at gawa Iyong mga habilin huwag matakot sa dilim, krus ay palaging pasanin, yakapin kamatayan upang ika'y makapiling.
Santa Maria Magdalena kay Jesus kami ay ipanalangin kasamaan tuluyan na naming lisanin kabutihan pawang aming gawin; mga pumanaw naming mahal sa buhay ipanalangin mo rin, Diyos ay sapitin habang mga naghihingalo sa amin loob ay palakasin, buhay na sasapitin walang kahulirip at maliw! Amen.