395 total views
Pagsangguni at pagpapatibay ng mga polisiyang iiral sa School Year 2022-2023.
Ito ang mensahe ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao – Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa pamahalaan at mga opisyal na nangangasiwa sa sektor ng edukasyon.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang pagsangguni ng pamahalaan sa mga dalubhasa at stakeholders upang maging matagumpay ang face to face classes na magsisimula sa August 22.
“Dalangin na ang lahat ng desisyon na isinisiwalat ng kalihim ng edukasyon ay tapos na nasangguni sa mga experto sa edukasyon, kalusugan, kapulisan at sa iba’t-ibang sangay ng lipunan na lubhang nakakatulong sa pagaaral ng mga kabataan,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Mangalinao sa Radio Veritas.
Muli ring kinilala ng Obispo ang pagpapatupad ng 100% na face to face classes ng Department of Education (DepEd) sa lahat ng paaralan sa buong bansa.
“Napaka gandang desisyon na ang mga magaaral ay magkaroon na ng f2f learning experiences tulad ng dati subalit marapat lamang na pag ibayuhin ng bawat paaralan ang lahat ng magagawa upang mawala ang banta ng posibleng pag kalat ng covid at iba pang mga sakit,” ayon pa sa mensahe ng Obispo sa Radio Veritas.
Panalangin din ni Bishop Mangalinao sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pagkakaroon ng mga kongkretong plano ng pamahalaan sa pagharap sa ibat-ibang suliranin na hinaharap ng bansa.
Ayon sa Department Order No.34, simula August 22 hanggang July 07 2023 ang pagpapatupad ng blended leaning habang sa November 02 2022 ay idadaos na ang 100% F2F classes lahat ng paaralan sa parehong pribado at pampublikong sector.