189 total views
Kapanalig, ang boses ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ay malakas at maigting sa ating bayan, kahit gaano pa man sila kalayo.
Salamat sa social at tradisyunal na media, ang kanilang mga opinion at hinaing ay mas naririnig na ngayon. Hindi kagaya ng dati kung saan ang mga OFWs ay nakadepende sa postal mail. Ngayon, dahil sa teknolohiya, nakakasama na natin sila at nakaka-ulayaw kahit araw araw pa.
Ngunit hindi nito mapapantayan ang saya na kasama ang pamilya. Hindi nito mapapantayan ang “presensya.” Kapanalig, mas masakit para sa maraming OFWs ang umalis kaysa sa mga naiwanan dito sa bansa. Ang mga kaanak na naiwan, tuloy lamang ang buhay, at mas lumalakas ang suportang pinansyal. Isa lamang ang nawalay. Sa mga OFWs, lahat ay iniwan, pati ang nakagawiang buhay.
Kaya sana ay bigyang halaga ng mga naiwang pamilya ng OFWs ang perang padala sa kanila. Hindi lamang ito bumubuhay ng kanilang pamilya, bumubuhay din ito ng ekonomiya ng bansa. Ngayong Agosto, tumaas ng 16.3% ang remittances ng mga OFWs. Katumbas ito ng $2.3 billion. Noong Agosto 2015, umabot ng $1.994 billion ang kanilang padala.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umabot ng 2.4 million ang bilang ng mga OFWs noong Abril hanggang Setyembre 2015. 97.1% nito ay may mga kontrata, habang 2.9% ang wala. 17.9% ng ating mga OFWs ay mula sa CALABARZON, habang 15.1% ay mula sa Central Luzon at 11% ay mula sa National Capital Region. Mas maraming babaeng OFWs kaysa mga lalake. Base pa rin sa datos ng PSA, dalawa lamang sa limang OFWs ang nakapag-impok mula sa kanilang cash remittances.
Ang pag-impok ng mga pamilya ng OFWs ay isa sa weaknesses o kahinaan natin. Hindi rin naman natin masisi ang mga kaanak ng mga OFWs dahil kalimitan, mababaon muna sa utang ang pamilya bago pa man makaa-alis patungo sa ibang bansa. Kaya marami sa ating mga OFWs, bayad utang muna ang mga paunang sweldo na kanilang matatanggap. Matagal pa bago mararamdam ang ginhawa mula dolyar. Ang financial literacy rin kapanalig, ay isang konseptong hindi nababahagi o napapa-alam sa mga pamilya ng OFWs.
Sa ganitong aspeto, kapanalig, malaki ang matutulong ng estado o pamahalaan. Ang pag-gabay at pagbantay sa proseso ng pag-a-apply ng trabaho sa abroad ay malaking tulong para sa maraming Pilipino. Makaka-iwas sila sa mga illegal recruiters at illegal fees. Ang pag-a-alalay rin sa nagbabalik na OFWs ay isang aspeto kung saan maraming magagawa ang pamahalaan. Kung susuriin ang datos, malaking porsyento ng OFWs ay mga bata pa. Nasa edad 25-29 ang pinakamalaking bilang ng mga OFWs (25.8%) at sunod ang nasa edad 30-34 (23.2%). Marami sa kanila ay wala pang karanasan sa pasikot-sikot na proseso ng aplikasyon para sa trabaho sa ibang bansa, maski ng pagnenegosyo sa loob ng bansa kung sila ay nagbalik na.
Ang perang padala ng mga OFWs ay hindi lamang material na bagay. Ang totoo, simbolo ito ng kanilang pagmamahal. Pangalagaan natin ito. Pangalagaan natin sila. Huwag nating hayaan na pagbalik nila sa bansa, wala silang maasahan na ipon o kabuhayan. Niyuyurakan natin ang kanilang dangal sa pagbalewala sa kanilang pinaghirapan. Ayon nga sa Deus Caritas Est: Within the community of believers there can never be room for a poverty that denies anyone what is needed for a dignified life. Tinulungan tayo ng OFWs na maingat ang buhay ng maraming Pilipino. Huwag naman natin sila ibaon sa utang at limot.