417 total views
Kinondena rin ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang naganap na pamamaril sa Ateneo de Manila University kung saan tatlo katao ang nasawi kabilang na ang dating alkalde ng Lamitan.
Sa pamamagitan ni CEAP President Sr. Ma. Marissa R. Viri, RVM, ipinapaabot ng samahan ang pakikiramay sa pagpaslang kina dating Lamitan City Mayor Rosita Furigay, Senior Executive Assistant nito na si Victor George Capistrano, at Ateneo de Manila University Security Personnel, Jeneven Bandiala.
“The Catholic Educational Association of the Philippines vehemently condemns the reported shooting incident that took the lives of former Lamitan City Mayor Rose Furigay, Senior Executive Assistant Victor George Capistrano, Ateneo de Manila University Security Personnel, Jeneven Bandiala.” Ang bahagi ng pahayag ni CEAP President Sr. Viri.
Giit ni Sr. Viri hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng karahasan na bumibiktima sa mga inosenteng mamamayan kung saan umaasa ang CEAP na agad na mabigyan ng katarungan ang sinapit ng mga nasawi.
“CEAP strongly condemns any act of violence, we hope and pray that justice will be swiftly served.” Dagdag pa ni Sr. Viri.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police ang hidwaan sa pagitan ng suspek na si Chiao Tiao Yumol at Furigay ang maaaring dahilan sa pamamaslang.
Sa ulat, sinampahan ng kasong cyber-libel ng dating alkalde si Yumol bunsod ng mga alegasyon ng huli sa pagkakasangkot sa korapsyon at iligal na droga sa dating alkalde.
Una na ring kinondina ni Prelatura ng Isabela de Basilan Bishop Leo Dalmao ang pamamaril laban sa dating alkalde ng Lamitan kung saan ibinahagi ng Obispo ang pagiging masigasig ng dating opisyal bilang katuwang ng Simbahan sa pagsusulong ng ‘peace building’ sa Basilan.