552 total views
Kapanalig, ang estado ng ating kagubatan ngayon ay isang aspeto sa ating bayan na hindi nabibigyan ng kaukulang pansin ng lipunan. Natatabunan kasi ito ng mga mai-i-init na usaping pang-politika.
Ang ating kagubatan ngayon ay nangangailangan ng kalinga. Ang pagkawala ng ikatlo o one-third ng ating forest cover mula 1990 hanggang 2005 ay hirap pa ring mabawi hanggang ngayon, kahit mahigit labinglimang taon na ang nakakalipas. Ang ating mga praktis o nakasanayang gawi ay labis na kumikitil ng buhay ng ating mga puno. Ayon sa isang publikasyon ng Senado noong June 2015, kalahati ng land area ng ating bayan ay mga kagubatan noong 1934. Noong 2010, 23% na lamang o mga 6.8 milyong hektarya na lamang ang kagubatan sa ating bansa.
Ang ilegal na pagto-troso at ang pag-ka-kaingin ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit mabilis nawala ang ating mga kagubatan. Ang mga puno, kahit mura o bata pa lamang, ay walang patawad na pinuputol o sinusunog. Sa bawat pagputol, ilang taon pa ang bibilangin bago pa mapalitan. Sa bawat pagsunog o pag-kaingin, ang kalidad ng lupa ay nasisira. Kailan ba natin mauunawaan at mabibigyang halaga ang kagubatan ng bayan? Kailan ba natin makikita na ang gubat ay isa sa mahahalagang salik ng ating buhay?
Ang paghampas ng bagyong Lawin ay may dalang mahalagang leksyon ukol sa kagubatan ng bayan. Isa itong supertyphoon, kapanalig, ngunit binawasan ng kabundukan ng Sierra Madre ang lakas nito. Ang Sierra Madre kapanalig, ay minsang puno ng kagubatan. Hindi lamang malalakas na hangin ang binabangga ng mga kagubatan nito, sinisipsip din nito ang mga tubig na dala ng bagyo, kaya’t naiiwasan ang baha sa maraming mga probinsya ng bansa.
Isa nga sa pinaka-ta-tanging yaman ng bayan ang kanyang kagubatan. Hindi lamang ito nagbibigay ng kabuhayan ng marami, sinasalba pa tayo nito sa mga delubyong dala ng mga supertyphoon na gaya ni Lawin. Nakakalungkot nga lamang na hindi natin napo-protektahan at napangangalagaan ang buhay nito. Hindi natin maibalik ang kalinga na binibigay ng kagubatan sa ating bayan.
Ang panlipunang turo ng Simbahan ay lagi tayong pina-alalahan na responsibilidad natin ang kalikasan. Tayo ay mga “stewards of the environment,” mga tagapamahala ng kalikasan na naatasan ng Panginoon na pagyabungin ito, hindi gibain.
Si Pope Francis, sa kanyang pagbisita sa ating bansa noong nakaraang taon ay may mahalagang hamon sa atin: Bilang taga-pamahala ng likha ng Panginoon, tayo ay tinatawag na gawing magandang hardin ang mundo para sa sangkatauhan. Sa tuwing sinisira natin ang kagubatan at ang lupa, tinatalikuran natin ang responsibilidad na ito.