223 total views
Humiling ng tulong ang National Economic and Development Authority sa Simbahang Katolika sa pagbibigay ng kamalayan sa taumbayan ukol sa pagiging responsableng magulang o “Responsible Parenthood” na siya namang suportado at isinusulong ng mga Katoliko laban sa Reproductive Health Law.
Ayon kay NEDA Deputy Director General Rosemarie Edillon, malaki ang impluwensya ng Simbahan sa taumbayan na mabigyan sila ng pamantayang katuruan sa pagpapamilya na hindi tinitingnan bilang isa lamang puhunan kundi isang regalo mula sa Diyos na dapat napagkakalooban ng mga pangunahin niyong pangangailangan tulad ng edukasyon at sapat na makakain.
“Dapat tulong – tulong ang iba’t ibang sektor dito. Yung iba kasi driven by belief system nila so sana matulungan tayo ng Church in particular para matulungan sila ng Responsible Parenthood. Kung baga yung anak hindi nila titignan na as an investment kundi as a gift from God na dapat ino – nourish na dapat ay pina – aral, inaalagaan,” pahayag ni Edillon sa panayam ng Veritas Patrol.
Iginiit pa ni Edillon na malaki ang problemang kanilang kinakaharap lalo sa mga lugar sa bansa na dumarami ang bilang ng kanilang anak at hindi naman sapat ang perang kanilang kinikita upang pakainin at tustusan ang pangangailangan ng kanilang mga anak.
Kabalikat nito, paliwanag rin ni Edillon na bagaman may pagkakaiba man ng paniniwala sana ay mangibabaw ang layunin na masolusyunan ang kahirapan sa ating bansa lalo na kampanya ng Simbahan na Responsible Parenthood laban sa RH Law.
“Wala tayong problema kung yung number of number of children na magkakaroon sila ay yung tinatawag natin na yun yung planado nila. Kasi kapag planado nila ibig sabihin handa sila para doon. Ang problema kasi yung mga unmet demand alam natin na yung Church goes with Responsible Parenthood yung methods lang ang nagkakaiba tayo. Kung magkakapareho tayo ng objective tapos kung turuan lang yung mga couples kung paano itong iba’t ibang methods na ito provided we come up with the same result wala dapat away,” giit pa ni Edillon sa Radyo Veritas.
Samantala, nabatid na sa inilbas na pag – aaral Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2015 tinatayang 21.6 na porsiyento o katumbas ng 21.93 milyong Pilipino ang hindi kayang makabili ng kanilang pangunahing pangangailangan.
Gayunman, sa panig naman ng Simbahang Katolika ipinagpapatuloy nito ang kanyang misyon sa pagsusulong ng mga Marriage Ecounter at Basic Ecclesial Communities upang imulat ang pamilya sa pagiging responsableng mga magulang.