406 total views
Isabuhay ang pananalig na ipinakita ng magkakapatid na Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro sa mga inisyatibong tutulong sa kapwa.
Ito ang mensahe ni Father Hans Magdurulang – Parochial Administrator ng San Felipe Neri Parish sa Mandaluyong City sa pagdaraos ng parokya ng Medical Mission na libreng check-up at gamot sa may 500 baranggay workers at church volunteers ng parokya.
Ayon sa Pari, kawangis ng paglilingkod at pananalig sa Panginoon ng magkakapatid na Santo na ginugunita ngayong araw ang kapistahan ay ipanapakita ng mga volunteers at Medical Doctors.
“Katulad ni Marta na binigyan ng kakayahan ng talino ng kapangyarihang magpagaling sa pamamagitan ng kaniyang propesyon, si Maria ay isang magandang larawan din ng mga pasyente na makinig, so tamang-tama ang medical mission natin ngayon sa pagdiriwang natin ng tatlong magkakapatid na ito and eventually kung paano binuhay ni Hesus si Lazaro,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Magdurulang.
Nagpapasalamat naman ang Ritemed Philippines na pangunahing naglunsad ng Medical Mission sa mga volunteers sa San Felipe Neri Parish bilang pagdiriwang ng ika 20 anibersaryo ng kompanya.
Ayon kay Edwin Nicolas Operations Manager ng Ritemed Philippines, naging posible ang paglulunsad ng proyekto sa tulong ng medical health workers at volunteers mula sa San Felipe Neri Parish , Caritas Manila, Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on health care, CBCP Nassa/Caritas Philippines at Far Eastern University Nicanor Reyes Medical Foundation.
Ayon pa sa kompanya, ang medical mission ay inilunsad upang matulungang matiyak na nasa maayos na kalagayan ang kalusugan ng mga benepisyaryong manggagawa higit na ngayong pandemya kung saan kinakaharap ng buong mundo ang ibat ibang krisis pang ekonomiya.
Tiniyak din ni Father Magdurulang na mahigpit na ipinatupad ang Minimum health protocol upang mapangalagaan laban sa banta ng virus ang mamamayan, health and baranggay workers at volunteers na dumalo sa proyekto.