249 total views
Kapanalig, ang ating mga baybayin – ang mga beaches – ay pambansang yaman ng Pilipinas. Isa ito sa mga pangunahing dahilan kung bakit regular na dinarayo ng maraming mga turista ang ating bansa. Naalagaan ba natin ng maayos ang mga beaches at baybayin natin, kapanalig?
Hindi masyado nabibigyan ng karapat dapat na atensyon ang kalagayan ng mga baybayin o coastlines sa ating bansa. Hindi natin napapansin na marami sa ating mga coastlines ay unti-unting gumuguho o na-e-erode at nilalamon na ng karagatan. At sa pangyayaring ito, nanganganib ang buhay, bahay, at kabuhayan ng marami nating mga kababayan.
Ayon sa Mines and Geosciences Bureau, maraming mga baybayin sa ating bayan ang nanganganib na mag collapse o gumuho. Ayon nga sa pagsusuri nito noong 2021, may 13 munisipalidad sa southeastern Luzon ang bulnerable sa pagguho ng mga baybayin, sa daluyong, pati na rin sa tsunami. Ito ay dahil tumataas ang sea level sa probinsya ng Camarines Sur at Quezon. Sa pagtaas nito, nagiging bulnerable ang mga munisipalidad sa baybayin ng Sipocot, Lupi, Libmanan, Pasacao, Tinambac, Balanga and Cabusao sa CamSur at Gumaca, Lucena, Mauban, Sariaya, Padre Burgos at Real sa Quezon.
Maliban sa pagtaas ng sea level, ang human activities gaya ng pagputol ng puno at halaman sa mga bakawan, pagtanggal ng mga coral reefs, at pagtatayo ng mga istraktura ay nagdudulot pa na mas malalang erosion sa mga baybayin. At dahil sa climate change, mas tataas pa ang antas ng tubig sa karagatan, kaya’t pihadong mas malaking bahagi ng baybayin ang lulubog.
Kapanalig, kailangan ng komprehensibong approach o pagtugon para ating mabigyan ng nararapat na solusyon ang erosion o paglubog ng mga baybayin sa ating bayan. Hindi natin maaaring hayaan na lamang ito dahil delikado ito para mga naninirahan doon. May mga baybayin din na venue o lugar ng trabaho ng marami, gaya na lamang kung ito ay beach na dinarayo o mahalagang merkado na source of income ng marami nating kababayan. Iba-iba ang sitwasyon ng bawat baybayin, kaya’t ang pagtugon sa komon na problema na ito ay magiging iba-iba rin. Ang mahalaga ay maging base sa siyensya o agham ang pagtugon dito, at hindi pa-patse patse ang paglapat ng solusyon. Konektado ang mga baybayin kapanalig, at maari na kapag hiwa-hiwalay ang pagtugon dito, mas lumala pa ang mga pagbaha at pagguho na maari maranasan ng mga kababayan natin.
Ayon sa World Day of Peace Letter ni Pope John Paul II noong 1990: The delicate ecological balances are upset by the uncontrolled destruction of animal and plant life or by a reckless exploitation of natural resources. Ang erosion o pag-guho sa ating mga baybayin ay epekto ng gawain na ito. Huwag nating hayaan kapanalig, na mangyari pa ito sa iba pang lugar sa ating bansa. Tandaan natin, ang pagkasira ng ating mundo, ng ating kapaligiran ay tanda rin ng pagkasira ng ating humanidad, ng ating pagkatao.
Sumainyo ang Katotohanan.