430 total views
Mas pinadali ng European Union ang pagbiyahe ng mga Pilipino sa mga bansa sa Europa.
Ito’y kasunod ng pagkilala ng EU sa COVID-19 vaccination certificate ng Pilipinas sa EU digital COVID Certificate #EUDCC system.
Ayon kay European Union Chargé d’Affaires Dr. Ana Isabel Ruiz, mahalaga ang hakbang upang mapapabilis at maging ligtas ang pagbiyahe ng mga Pilipino sa European countries.
“The European Union regards this as an important milestone in ensuring expedite and safe travel and people’s mobility,” bahagi ng pahayag ni Ruiz.
Dahil dito kikilalanin din ng Pilipinas ang vaccination certificates ng mga bansang kasapi ng European Union batay sa kanilang sariling legal order.
Mula July 29, 2022 lahat ng mga mamamayang may Philippine vaccine certificate o VaxCertPH ay maaring bumiyahe sa mga EU Member States gayundin ang mga mamamayan ng EU na may EU Digital COVID Certificate sa pagpasok ng Pilipinas.
Nagpasalamat si Ruiz sa mga ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas na nakiisa sa hakbang upang matulungan ang bawat mamamamayan sa madaling proseso ng pagbiyahe.
“We are grateful to the Department of Information and Communications Technology, Department of Health and Bureau of Quarantine for their work through the process, and to the Departments of Foreign Affairs and Tourism for their support,” ani Ruiz.
Ang Pilipinas ang ikaanim na bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na kinikilala ng EU sa sistema ng EU Digital COVID Certificate kasama ang Indonesia, Malaysia, Thailand, Singapore at Vietnam.
Sa kabuuan may 75 mga bansa na ang konektado sa EU Digital COVID Certificate system kung saan pinakahuling napabilang ang Pilipinas, Oman at Peru.
Ipinaalala naman ng European Union in the Philippines sa mga Pilipinong magtutungo sa Europa na makipag-ugnayan sa mga bansang pupuntahan upang matiyak ang maayos na pagbiyahe.