898 total views
Tiniyak ng pontifical foundation ng Vatican sa bansa na Aid to the Church in Need (ACN) Philippines ang pananalangin at pakikiisa sa lahat ng mga naapektuhan ng 7.3-magnitude na lindol sa Abra noong ika-27 ng Hulyo, 2022.
Ayon kay ACN Philippines President, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, nakahanda ang sangay ng Aid to the Church in Need sa bansa na maging daluyan ng biyaya at pag-asa para sa mga biktima ng malakas na pagyanig sa Northern Luzon.
Tiniyak ni Archbishop Villegas na maging tagapamagitan ang CAN ng mga nagnanais na magpaabot ng tulong at ayuda sa mga diyosesis na naapektuhan ng lindol.
“Prayers. Solidarity. If the faithful want to help we are willing to be a conduit to reach the bishops and most devasted areas.” pahayag ni Archbishop Villegas sa Radio Veritas.
Puspusan na rin ang isinasagawang pagtulong ng mga institusyon ng Simbahang Katolika sa pangunguna ng Caritas Philippines at Caritas Manila sa mga mamamayan na naapektuhan ng lindol.
Unang nagpadala ng inkind donations ang Caritas Manila sa mga naapektuhan ng lindol sa Archdiocese of Nueva Segovia at Diocese of Bangued sa Abra na nagkakahalaga ng ₱2,299,500.00.
Unang nanawagan ang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na Caritas Philippines sa bawat isa ng pagmamalasakit, pagbabahagi at pag-aalay sa kapwa.