491 total views
Patuloy na nararamdaman sa Northern Luzon ang aftershock sanhi pa rin ng naganap na 7.3 magnitude earthquake noong Hulyo 27 sa lalawigan ng Abra.
Kaugnay nito, patuloy namang isinasagawa ng Diyosesis ng Baguio ang pagbisita sa bawat parokya upang tingnan ang kalagayan ng mga simbahan at ibang gusali na posibleng naapektuhan ng pagyanig.
Ayon kay Bishop Victor Bendico, natapos na nilang bisitahin ang mga parokya sa bahagi ng Baguio City na nagtamo lamang ng kaunting pinsala at ligtas na rin para sa pagsasagawa ng mga banal na pagdiriwang at iba pang gawain.
“Sa awa ng Diyos, base sa naging assessment at inspection namin ay minor damages lang ang nakuha ng mga parish church building matapos ang lindol,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa buod ng assessment report ng Diocese of Baguio na mula sa 14 na mga parokyang binisita, tanging ang Sacred Heart of Jesus Chapel sa La Trinidad, Benguet ang nagtamo ng maraming pinsala kabilang na ang mga bitak sa una at ikalawang palapag ng simbahan.
Mungkahi namang lagyan muna ng pansamantalang suporta ang bahaging may bitak para maiwasan ang karagdagang pinsala at magdulot ng panganib sa mga mananampalataya.
“Ang simbahan sa may La Trinidad ang mas naaapektuhan ng pagyanig kaya patuloy namin itong babantayan lalo’t patuloy ring nangyayari ang aftershocks ng paglindol sa may Abra at Vigan na maaari muling umabot dito sa Baguio,” ayon kay Bishop Bendico.
Bibisitahin naman bukas ng Obispo ang ilan pang parokya sa bahagi ng Benguet para sa patuloy na rapid assessment ng Diyosesis ng Baguio.
Ipinapanalangin naman ni Bishop Bendico ang kapayapaan ng kaluluwa ng mga naging biktima ng mapaminsalang pagyanig.
Magugunita nitong Hulyo 16, ilang araw bago ang malakas na paglindol sa Abra ay inalala ang naganap na 1990 Luzon earthquake na puminsala sa iba’t ibang gusali sa Baguio City kabilang na ang Hyatt Terraces Baguio Hotel na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 80 empleyado at bisita ng nasabing hotel.
Samantala, batay sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 10-katao na ang naitataling nasawi habang nasa halos 400-katao naman ang nagtamo ng mga sugat sa katawan dulot ng paglindol nitong nakaraang linggo.