644 total views
Nagpaabot na panalangin at pakikiramay si 1987 Constitutional framer at Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa pagpanaw ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa edad na 94 na taong gulang.
Ayon sa Obispo, ang mahalagang partisipasyon ng dating pangulo at heneral sa mapayapang EDSA People Power Revolution laban sa diktaduryang Marcos ang isa sa pinakamahalagang legacy ni Ramos.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani na mahalaga ang naging papel ni Ramos para sa muling pagbabalik ng demokrasya ng Pilipinas mula sa paniniil sa kalayaan ng bansa.
“Tanda natin si noon General ngayon dating President natin si Fidel Ramos ay siya ang nanguna sa ating EDSA Peaceful Power Revolt, peaceful People Power Revolt and to his credit he was able with the help of the people to restore democracy in the Philippines and help Cory Aquino to become the President of the restored democracy in the Philippines, that is his number 1 legacy.” pahayag ni Bishop Bacani Jr. sa Radio Veritas.
Inihayag ng Obispo na bagamat hindi nawala ang mga problema ng bansa sa ilalim ng pamumuno ni Ramos ay nagkaroon ng ‘stability’ at kapayapaan.
“Nung siya ay namumuno na bilang presidente ay talagang nagkaroon ng stability ang ating bansa at pasalamat tayo na nung panahon na yun, nanahimik ang ating bansa, natapos ang mga kudeta na ginawa laban kay Cory Aquino at naging mapayapa ang ating bansa. Hindi nawala ang lahat ng problema pero ang lahat naman ay pinagsikapan na maayos dito sa ating bansa.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Kinilala ni Bishop Bacani ang pagsusumikap ni Ramos na maisaayos, mapabuti at mapaunlad ang kalagayan ng bansa na nararapat bigyang pagkilala.
“He was not a perfect president as no one is a perfect president but he was a very good one kaya salamat sa Diyos sa buhay na ipinagkaloob sa atin ni Fidel V. Ramos at dine-dicate niya para sa kabutihan ng ating bayan.” pahayag ni Bacani
Si Ramos na nakilala bilang FVR ay ang ika-12 pangulo ng Pilipinas na naglingkod sa posisyon mula taong 1992 hanggang 1998.
Ayon sa ulat sumakabilang-buhay si Ramos dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19 habang naka-confine sa Makati Medical Center noong ika-31 ng Hulyo, 2022.
Taong 1972 ng itinalaga ni dating Pangulong Ferdinand Marcos si Ramos bilang hepe ng Philippine Constabulary na isa sa mga nanguna sa pagpapatupad ng Martial Law hanggang taong 1986 bago siya nakilala bilang isa sa bayani ng EDSA People Power Revolution noong February 1986 dahil sa mahalagang naging partisipasyon nito sa pagpapatalsik kay Marcos sa posisyon.