284 total views
Mga Kapanalig, “the state of the nation is sound”.
Ganyan inilarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ang kalagayan ng ating bansa sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (o SONA) noong nakaraang Lunes. Matatag, matibay, at maayos daw ang state of the nation.
Ano ang tingin mo rito, Kapanalig?
Katulad ng iba pang mga SONA, musika sa pandinig ang mga plano ng bagong upóng administrasyon. Marami rin sa mga priority bills at infrastructure projects ni Ginoong Marcos ay mula sa mga nakaraang administrasyon. Nangako rin ang pangulong bagamat nabubuhay tayo sa mapanghamong panahong dala ng mga puwersang labas sa ating kontrol, naghanap at patuloy na maghahanap ng solusyon ang pamahalaan.
Bago pa man ang SONA, lumabas sa survey ng Pulse Asia na ang mga pinakamatinding alalahanín o concern ng mga Pilipino ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Anim sa sampung Pilipino o 57% ang nagsabing ito sana ang gawing prayoridad ng administrasyon ni PBBM. Noong nakaraang buwan, pumalo sa 6.1% ang inflation na nagpapahiwatig na mabilis umarangkada ang presyo ng mga bilihin kaya’t nabawasan ang mga kayang bilihin sa budget ng isang pamilya. Ayon pa sa survey ng Pulse Asia, sana raw ay tumaas ang sahod ng mga manggagawa, maibsan ang kahirapan, at magkaroon pa ng mas maraming trabaho o hanapbuhay.
Sa halip na konkretong plano at hakbang ang ihain sa atin ng pangulo sa mga alalahaníng ito, ang narinig natin ay ang mga dahilan kung bakit ganito ang nararanasan natin. Pangunahin nga raw sa mga ito ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at hindi pa rin pagbabalik ng maraming negosyong naapektuhan ng pandemya. Narinig din natin ang mga target ng administrasyon katulad ng pagbaba sa tinatawag na poverty rate, ngunit ang detalye kung paano ito gagawin ay kailangan pang hanguin sa mga target sa iba’t ibang sektor at industriya. Bigô rin ang mga nag-abang kung paano gagawing bente pesos ang isang kilo ng bigas.
Tunay na malaki ang hamong kinakaharap ng administrasyong Marcos, at hangad nating sa mga susunod na taon ay sisikapin nitong tugunan ang mga prayoridad ng mga karaniwang Pilipino. Sabi nga sa mga panlipunang turo ng Santa Iglesia, ang pamahalaan ay may “positive moral function.” Ito ay dapat na magsilbing instrumento ng pagtataguyod ng dignidad ng tao at ng kabutihang panlahat o common good. Dapat na layunin nito ang tulungan ang mamamayang magampanan ang kanilang mga tungkulin sa kanilang pamilya, kapwa, at lipunan. Bagamat hindi dapat iasa ang lahat sa gobyerno, napakahalagang kumikilos ang pamahalaan upang matugunan ng mga tao ang kanilang mga pangunahing pangangailangan katulad ng pagkakaroon ng sapat na pagkain, maayos na trabaho at hanapbuhay, at pagkakataong mapaunlad ang kanilang sarili. Kapag abot-kamay ng mga mamamayan ang mga ito, saka pa lamang nating masasabing “the state of the nation is sound.”
Akmang paalala sa ating mga pinuno ang nasasaad sa Filipos 2:3-4, “Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili.” Tandaan din nating malaki ang epekto sa ating pang-araw-araw na buhay ang anumang desisyon ng gobyerno.
Mga Kapanalig, mayroon mang mga hindi tinalakay nang mas malalim sa SONA ni Pangulong Marcos Jr, hindi sana ito pahiwatig na hindi prayoridad ng administrasyon ang mga alalahanin ng mga karaniwang Pilipino. Kung sinabi ng pangulo noong kanyang inagurasyon na ang pangarap ng mga Pilipino ay pangarap din niya, siguro naman ay alalahanín din niya ang mga alalahanín ng mga ordinaryong Pilipino.