1,981 total views
Pinaigting ng Archdiocese of Nueva Segovia ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong mamamayan ng Ilocos Sur dulot ng 7.3 magnitude na lindol.
Ayon kay Archbishop Marlo Peralta bagamat may ilang simbahan at heritage site ang napinsala sa lugar ipinagpasalamat ng arsobispo sa Panginoon na walang lubhang nasaktan at nasawi sa lalawigan.
Pagbabahagi ng arsobispo na puspusan ang pagkilos ng Social Action Center ng arkidiyosesis sa paghahatid ng pangunahing pangangailangan ng mamamayan lalo na ang mga pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers.
“Sa awa ng Diyos wala namang seryosong nasaktan at walang fatality dito sa Archdiocese [Nueva Segovia] kaya ang inaasikaso ngayon ang pagtulong ng SAC [Social Action Center] sa mga nangangailangan,” pahayag ni Archbishop Peralta sa panayam ng Radio Veritas.
Matatandaang napinsala ng malakas na pagyanig ang tanyag na Vigan Cathedral, St. John the Baptist Church, at iba pang lumang makasaysayang gusali sa Ilocos Sur.
Agad na kumilos ang Caritas Philippines sa paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad sa Northern Luzon habang patuloy ang pagtulong ng iba’t ibang diyosesis para sa relief operation.
Kasalukuyang nasa Cordillera Administrative Region at Ilocos region ang Caritas Manila at Radio Veritas para maghatid ng tulong tulad ng tent, banig, kumot, medical at hygiene kits para sa mga residente lalo na ang nagsilikas.
Una nang tiniyak ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Fr. Anton Pascual ang pag-agapay sa mga biktima ng lindol para makabangon sa trahedya.