461 total views
Kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications(CBCP-ECSC) ang pagsusulong ng Senate Bill No.329 o Better Internet Act na layuning pabilisin ang internet at pangalagaan ang mga kliyente ng Telecommunication Companies (Telcos) sa bansa.
Inaasahan ni Boac Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit – Chairman ng CBCP-ECSC na magbibigay daan ang batas sa pagpapalawig ng ebanghelisasyon na tutulungan din ang mga sektor ng edukasyon at komunikasyon upang higit na mapakinabangan ng mga mamamayan.
Kasabay ito ng pag-asang magiging wasto ang serbisyo ng mga kompanya sa binabayarang halaga ng kanilang mga kliyente at pagabot ng internet services maging sa mga pinakaliblib na baranggay sa Pilipinas.
“But still there is a lot of improvement needed in as much as the services provided by TELCOS, and I guess this bill will be crucial for this, and I think three areas will be essential here: A.Universal Internet Service to the public, B.Efficiency and consistency of service and C. Internet Speed,” ayon sa mensaheng ipinadala ng Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Ayon pa sa Obispo, bagamat marami pang kailangan pag-ibayuhin sa serbisyo ng internet providers sa Pilipinas ay patuloy naman ang pagbuti ng internet speed sa Pilipinas. Batay sa ‘Ookla Speedtest Global Index Report’ noong Enero 2022 nakamit ng Pilipinas ang ika-63 pwesto mula sa 178-bansa pagdating sa Broadband Speed at ika-89 pwesto naman mula sa 138-bansa para naman sa Mobile speed na batayan ng bilis ng internet sa Pilipinas.
“Of course, any bill that seeks to better services for the public including internet services is very welcome and highly supported by our commission, and we have already improved from our ranking a couple of years ago,” ayon pa sa mensaheng ipinadala ni Bishop Maralit.
Ang Senate Bill No.329 na isinulong ni Senator Grace Poe ay layuning itakda o linawin ang bilis ng internet dapat sundin ng mga Telcos upang naaayon at wasto ang binabayaran ng mga kliyente base sa kanilang natatanggap na serbisyo.