538 total views
Magkakaiba ang reaksyon ng grupo ng mga magsasaka sa nakatakdang pamamahagi ng pamahalaan ng financial aid para sa mga rice farmer ng Pilipinas.
Inihayag ni Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas na higit na makakatulong ang ayuda sa gastusin ng mga magsasaka at kanilang pamilya dahil sa nararanasang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Dismayado naman si Estavillo sa mababang hatian ng pondo na 5-libong piso kada benepisyaryo para sa 1.5-milyong magsasaka.
“Bakit 1.5-million farmers lang mabibigyan samantala mayroon tayong 2.7-million rice farmers, tuloy pa rin ang panawagan ng Bantay Bigas na isawalang bisa ang Republic Act No.11203 (Rice Tarrification Law), walang positibong idinulot ang batas sa mga magsasaka at sa maralitang consumer mataas pa rin ang presyo ng bigas at P15,000 support subsidy sa lahat ng mga foodsecurity frontliners,” pahayag ni Estavillo sa Radio Veritas.
Iginiit naman ni Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers (FFF) na bagamat kinikilala nila ang financial subsidy ay napakabagal ng pamamahagi nito ng pamahalaan na hindi isinabay sa taniman.
Ayon sa FFF, ngayong Agosto pa lamang inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na naipamahagi na sa Department of Agriculture ang 8-bilyong pisong pondo ng ayuda mula sa labis na buwis na nasingil sa ilalim ng Rice Tarrification Law (RTL).
“The money is being released to the Department of Agriculture (DA) 8 months from the end of 2021, and it will take another several months before the cash cards are issued and the money is actually received by farmers. There should also be a full accounting of these excess tariffs since the RTL took effect in March,”mensaheng ipinadala ni Montemayor sa Radio Veritas.
Ang 8-bilyong pisong financial aid ng Department D-B-M at D-A ay mula sa labis na pondong naipon sa mga buwis na nasingil ng RTL na sa mga bansang nag-aangkat ng imported na suplay ng bigas sa Pilipinas.
Ang ayuda na hahatiin sa tig-limang libong piso para sa 1.5-milyong magsasaka na benepisyaryo ng programa ay mula sa R-T-L.
Unang ipinananawagan ni San Jose Nueve Ecija Bishop Roberto Mallari sa pamahalaan ang pagtulong sa mga magsasaka higit na ngayong nararanasan ng sektor ang krisis na dulot ng pandemya at pagkalugi ng dahil sa malawakang agricultural smuggling.