597 total views
Ikinagalak ng Pontificio Collegio Filippino ang pagkakatalaga ng isang Pilipino sa hanay ng Pontifical Swiss Guard sa Vatican.
Ayon kay Father Gregory Ramon Gaston, Rector ng institusyon, kahanga-hanga na bilang kapwa Pilipino ay aktibo ito sa mga kilalang samahan sa ibayong dagat na isang uri ng paglilingkod sa simbahang katolika.
Ngayong taon ay pormal nang napabilang sa Swiss Guard si Sebastian Esai Eco Eviota kasunod ng sulat mula kay Swiss Guard commander Christoph Graf noong January 17, 2022.
“We are happy to see children of Filipinos incorporated into the Church and society abroad,” pahayag ni Fr. Gaston sa panayam ng Radio Veritas.
Si Eviota na tubong Davao City ay aktibo na sa paglilingkod sa iba’t ibang ministry ng simbahan.
Ipinaliwanag ni Fr. Gaston na ang pagkakabilang ng mga Pilipino sa Swiss Guard ay patunay ng malawak na pagmimisyon ng Pilipino bilang mga kristiyano lalo’t ang Pilipinas ang ikatlo sa mga bansang may pinakamaraming binyagang katoliko na mahigit 80-milyon.
“As we begin the next 500 Years of Christianity in the Philippines, the service of those with Filipino roots in the Pontifical Swiss Guards and in the Vatican as a whole is yet another manifestation that indeed we are gifted to give of ourselves wherever God has called us to be,” ani Fr. Gaston.
Si Eviota ang ikalawang Pilipinong napabilang sa Pontifical Swiss Guard kasunod ni Swiss-Filipino Vincent Lüthi subalit kauna-unahang full-blooded Filipino.
Ang ama ni Eviota na si Diomedes Eviota Jr. ay nagmula sa Surigao City habang ang kanyang ina na si Editha Eco ay mula naman sa Agusan Del Sur.
Ilan sa mga kinakailangan upang mapabilang sa Swiss Guard ay ang pagiging mamamayan ng Switzerland, Catholic, wala pang asawa, nasa edad 19 hanggang 30 taong gulang at kasapi ng Swiss Army.
Taong 2009 nang lisanin ni Eviota ang Pilipinas at nagtungo sa Switzerland kung saan naging aktibo sa Youths for Christ (YFC) Europe at council member ng English-speaking Roman Catholic Community of Canton Berne.
Naging second Lieutenant ng Swiss Army si Eviota makaraang matapos ang dalawang taong basic training at naglingkod sa Infantry 13th Battalion.