276 total views
Isa sa mga pinaka-mainam na praktis na maaaring magawa ng pamahalaan at ng mga mamamayan ngayon ay ang pangangalaga sa kalikasan. Ang gawaing ito ay isang uri ng investment o pamumuhunan para sa ating kinabukasan.
Kadalasan, nakakalimutan natin na finite o nauubos din ang mga biyaya mula sa kapaligiran. Ang ating pag-gamit nito ng walang pagtitipid, pangangalaga, o pag-galang ay senyales na wala tayong sapat na pagmamahal para sa ating nag-iisang tahanan, ang ating planeta. Nakakaligtaan natin na ang ating buhay ay nakatali sa ating kapaligiran, sa ating kalikasan. Ayon nga sa Laudato Si, When we speak of the “environment,” what we really mean is a relationship existing between nature and the society which lives in it. Nature cannot be regarded as something separate from ourselves or as a mere setting in which we live.
Kapanalig, ang taong 2021-2030 ay itinakda ng United Nations bilang “Decade for Ecosystem Restoration.” Ang panahong ito ay kritikal sa ating kasaysayan dahil tayo ay nasa “tipping point” na ng climate change. Ang ating mundo ngayon ay malamang na uminit ng mahigit sa 2 degrees Celsius, na magdudulot ng malagim na kinabukasan para sa lahat. Kung hindi ito mapipigilan, mas matindi pa sa mga heatwaves na nararamdaman ngayon sa Europa ang madadama ng mga mamamayan. Mas malalakas pa na bagyo ang mararanasan sa lipunan. Mas marami pang mga bayan ang lulubog sa baha. Kung hindi natin mapipigilan ang pag-init ng mundo, maaaring irreversible na ito o hindi na mababawi pa.
Isa sa mga mahahalagang bagay na ating magagawa sa ating bansa ay ang pagbabawas ng paggamit ng plastic. Kapanalig, alam mo bang napakaliit ng ating bansa, pero tayo ang pangatlo sa pinakamalaking contributor ng plastic waste sa buong mundo? Sa puntong ito maaari nating masimulan ang pamumuhunan para sa ating kinabukasan. Ang mga plastic na basura natin ay nagpupunta sa ating mga landfills, mga ilog, karagatan – bumabara sa mga daluyan ng tubig at dinudumihan ang ating paligid. Ang mga plastic na ito ay hindi nabubulok. Dadami lamang sila ng dadami at kikitil ng buhay ng mga halaman at hayop ngayon, at pati buhay natin sa kalaunan.
Kailangan natin ngayon ng malawakang pagbabago sa ating mga packaging materials. Lahat ng binibili natin sa merkado may plastic, kahit pwede naman tayong gumamit ng mas environment-friendly na materyales. Sanay tayo sa tingi, at lahat ng tingi na ito ay plastic ang balot. Packaging para sa mahirap, sabi nga nila, pero ang packaging na ito ay magpapahirap pa lalo sa ating maralita sa kalaunan. Tandaan natin kapanalig, hindi natin binabayaran ng barya lamang ang mga mga produktong naka-plastic. Ang ating kinabukasan ang pinambabayad natin dito.
Sumainyo ang Katotohanan.