188 total views
Isusulong ng Commission on Elections (COMELEC) ang mas aktibong partisipasyon ng mga kababaihan sa nakatakdang halalang pambarangay sa susunod na taon.
Ayon kay COMELEC Commissioner Ma. Rowena Amelia V. Guanzon – Chairman ng Gender and Development Executive Committee ng COMELEC mahalaga ang partisipasyon ng mga kababaihan sa iba’t ibang larangan at tanggapan dahil sa mas mabibigyang ng pantay na pagtingin ang mga usapin ng mga kababaihan at kabataan.
Sinimulan ng COMELEC Gender and Development Focal Point System Committee ang naturang kampanya noong nakalipas na taong 2015 sa pamamagitan ng pagtuturo at paggabay sa mga babaeng kandidato sa iba’t ibang posisyon noong nagdaang halalan kaugnay sa iba’t ibang dokumento kakailanganin ng kumisyon.
Batay sa datos ng COMELEC, tinatayang nasa 20-porsyento lamang ang mga tumakbo o kumandidatong mga kababaihan noong nakalipas na halalan kung saan sa kabila ng halos magkapantay na porsyento sa bilang ng mga botanteng lalake at babae ay nananatiling nasa 80-porsyento sa mga halal na opisyal ng pamahalaan ang mga lalake samantalang tanging 20-porsyento lamang ang mga babaeng opisyal.
Kaugnay nga nito, una nang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco ng pantay na pagtingin, paggalang at pagbibigay opurtunidad at pagpapahalaga sa mga kababaihan at binigyang diin ang pantay na estado ng lahat ng binigyang buhay ng Panginoon sa kabila ng pagkakaiba ng kasarian ng mga ito.